257 total views
Ang krus kung saan nakapako si Hesus ang siyang dahilan kung bakit isinusulong ng simbahan ang Alay Kapwa.
Ito ang inihayag ni Rev. Fr. Edu Gariguez, executive director ng Caritas Philippines sa isinasagawang paglulunsad ng Alay Kapwa sa Maasin, Southern Leyte.
Ayon sa pari, hindi mabubuo ang krus na ang una ay ang pakikipag-ugnayan sa Diyos at ikalawa ay ang pakikipag-ugnayan sa kapwa dahil ito ay bahagi ng ating pananampalataya.
“Kaya ang krus ay horizontal at vertical kasi ‘yun horizontal relasyon mo sa Diyos, iyung vertical naman relasyon mo sa kapwa. Hindi buo ang krus kung wala tayong relasyon sa atin kapwa… Kaya bahagi ito ng atin pananampalataya, kaya mayroon Alay Kapwa,” ayon kay Fr. Edu Gariguez, executive Secretary Caritas Philippines.
Isinagawa ang Alay Kapwa launching sa Diocese ng Maasin, kasabay na rin ng ika-50 taon na pagkakatatag ng diyosesis na dinaluhan ng may 600 delegado mula sa 16 na diyosesis sa Visayas.
Ang alay kapwa ay programa ng simbahang katolika tuwing kwaresma na layong makapangalap ng pondo para gamitin sa mga proyekto para sa mahihirap na nagsimula noong 1974.
Taong 2015, umabot sa P4 na milyong ang nakalap na pondo ng Alay kapwa kung saan ang P2 milyon ay inilaan sa mga naapektuhan ng bagyong Nona sa 5 naapektuhang diyosesis partikular sa Aurora, Catarman at Oriental Mindoro.