277 total views
Ikinalagalak ng Diocese of Malaybalay, Bukidnon ang paglulunsad ng Alay Kapwa sa kanilang lugar.
Ayon kay Malaybalay Bishop Jose Araneta Cabantan isang paalala sa kanila ang naturang launching sa Mindanao region sa mga programa ng Alay Kapwa na paigtingin pa ang kanilang programa para sa mga mahihirap.
Sinabi pa ng Obispo na ang Alay Kapwa ay hindi lamang ipinagdiriwang tuwing 3rd Sunday of Lent kundi dapat isabuhay ang diwa nito araw – araw sa pagtulong sa kapwang nangangailangan.
“Kami ay nagagalak dahil dito ginawa ang launching ng Alay Kapwa. Buti ngayon ginawa rin namin ang 46th Diocesan Pastoral Assembly. Nandito ang lahat ng aming mga leaders ng aming mga parokya, kamadrehan at kaparian. Bilang reminder na rin sa aming lahat ng programa ng Alay Kapwa.Maganda yung sinabi before ni Bishop Pabillo na ang Alay Kapwa ay hindi lamang para sa Lent sa Cuaresma kundi ito ay para isabuhay araw – araw na mag – alay para sa Kapwa,” bahagi ng pahayag ni Bishop Cabantan sa Radyo Veritas.
Hinamon rin nito ang mag social action directors sa buong Mindanao na ipagpatuloy ang inisyatibong programa na makakatutulong sa mga kapus – palad doon.
“Narinig namin kanina yung mga report sa Social Action yung mga inisyatibo sa ibat ibang parokya sa feeding program. Sa kanilang mga maliliit na parokya pero nakapagpagawa ng programa ng Dikabus program. Para sa amin yung sinabi Fr. Darwin social action director na hindi matapos yung inisyatiba sa last year lang kundi ngayon at patuloy pa sa darating sa mga darating pang mga panahon. Posibleng ma expand pa ito sa mga susunod na taon sa diocese,” giit pa ni Bishop Cabantan sa Veritas Patrol.
Ayon sa National Economic Development Authority (NEDA), tumaas ang poverty incidence sa Pilipinas sa unang kalahating taon ng 2014 mula 1.2 % points sa 25.8% sa unang semester ng taon mula 24.6% na na-rehistro naman sa unang kalahating taon ng 2013.
Umaabot sa higit 600 ang nakilahok sa pagdiriwang ng 46th Diocesan Pastoral Assembly sa Malaybalay, Bukidnon kabilang na dito ang mahigit 60 ang delegado na dumalo sa pagpa – Plano sa Mindanao region para sa paghahanda ng isasagawang National Social Action General Assembly o NASAGA sa Archdiocese of Palo sa buwan ng Setyembre.