194 total views
Kinondena ni Cagayan de Oro Archbishop Antonio Ledesma ang isa na namang pang-aabuso sa kalikasan na nagdulot ng pagkasawi ng buhay ng tatlo sa mga minero sa Mt. Diwata, Monkayo, Compostela Valley.
Ayon sa Arsobispo, kinakailangang itigil na ng mga dayuhang kumpanya ang mapang sariling interes na pagsamsam sa mga yamang mineral ng Pilipinas.
Dagdag pa ni Abp Ledesma, matapos ang trahedya, dapat itigil na ang operasyon sa lugar at unahing tugunan ang kapakanan ng mga pamilya ng nasawi at ng buong komunidad upang hindi na maulit pa ang pangyayari.
“I think the first priority is they should take care yung mga biktima and their families, and to make sure that there is proper safe guard to avoid that in the future.” Pahayag ng Arsobispo sa Radyo Veritas.
Gayun din ayon kay Abp. Ledesma, tungkulin ng pamahalaan na tiyaking responsible at hindi makasasama sa taumbayan ang pagpapatupad ng mga batas tulad ng Mining Act of 1995.
Pagbibigay diin ng Arsobispo, kung hindi ito masusunod ay hindi na dapat magkaroon ng mga pagmimina at kinakailangang rebisahin ang batas.
“Actually yung Philippine Misereor Partnership yun ang isang priority resolution, to make sure that mining resolutions are done responsibly saka no to mining if there are no safe guards. So that’s part of it full implementation ng mining act and even revise it kung kailangan because there have been many complaints na in the past about sa effects on the environment.” Dagdag pa ni Abp. Ledesma
Batay sa Mines and Geosciences Bureau ang Pilipinas ang nangungunang bansa na pinakamayaman sa deposito ng nickel at pangatlong may pinakamaraming ginto, dahilan upang umabot na sa 35 ang mga minahan na nag o-operate sa bansa noong taong 2012 pa lamang.
Sa Laudato Si ng Kanyang kabanalan Francisco, hinimok nito ang bawat isa na pangalagaan ang kalikasan at huwag abusuhin ang likas na yaman nito, dahil sa pagsasamantala ng tao sa likas na yaman ng mundo, tao rin ang nagiging biktima ng mga sakunang idinudulot ng pagkasira nito.