40 total views
Naghahanda na si Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo sa kalakip na hamong hatid ng kanyang panibagong tungkuling dapat gampanan bilang bagong chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines -Episcopal Commission on Interreligious Dialogue (ECIRD) na nagsimula noong Disyembre 1, 2025.
Ayon sa Obispo, kalakip ng kanyang taos-pusong pasasalamat ang pagpapakumbaba at paghingi ng panalangin upang kanyang magampanan ang bagong misyong ipinagkatiwala sa kanya ng Simbahan.
Pagbabahagi ni Bishop Bagaforo, bahagi ng kanyang pananabik na maglingkod sa panibagong tungkulin ang muling makasama at makatuwang ang iba’t ibang mga grupo at institusyon sa Archdiocese of Cotabato na nagsusulong ng pagkakaisa sa rehiyon ng Mindanao.
Sa kabila nito aminado rin ang Obispo sa kanyang mga pangamba sapagkat kalakip ng kanyang bagong tungkulin ang hamon kaugnay sa pambihirang kalagayang socio-cultural at politikal sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
“I also accept this role with ‘fear and trembling’, recognizing how challenging this ministry can be—especially as it requires walking new paths amid the complex socio-cultural and political realities of the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.” Bahagi ng pahayag ni Bishop Bagaforo.
Ipinapanalangin naman ng Obispo na nawa tulad ni San Francisco ng Assisi ay gabayan rin ang kanyang panunungkulan ng Panginoon upang ganap na maging kasangkapan para sa pagsusulong ng kapayapaan.
“Like St. Francis of Assisi, I pray: ‘Lord, make me an instrument of your peace.’” Dagdag pa ni Bishop Bagaforo.
Si Bishop Bagaforo na dating chairman ng CBCP–Episcopal Commission on Social Action, Justice and Peace (ECSA-JP) at Pangulo ng Caritas Philippines ay nakilala rin sa kaniyang malawak na karanasan sa Mindanao dahil sa matagal nang pakikipag-ugnayan sa mga komunidad ng Kristiyano, Muslim, at katutubong pamayanan ng siya ay maglingkod bilang Auxiliary Bishop ng Archdiocese of Cotabato.
Dahil dito, inaasahan ng CBCP na higit pang lalalim ang diyalogo at kooperasyon ng Simbahang Katolika sa iba’t ibang tradisyong panrelihiyon sa bansa, lalo na sa Mindanao kung saan napakahalaga ng interfaith harmony para sa pangmatagalang kapayapaan.
Ang CBCP-Episcopal Commission on Interreligious Dialogue ang pangunahing sangay ng Simbahang Katolika sa Pilipinas na nakatuon sa pagtataguyod ng kooperasyon at pag-unawa sa pagitan ng iba’t ibang pananampalataya.
Sa ilalim ng pamumuno ni Bishop Bagaforo, nakatuon ang komisyon na palawakin ang mga programa para sa mutual respect, pagpapatatag ng mga komunidad, at patuloy na pagtulong sa kapayapaan at kaunlaran, hindi lamang sa Mindanao kundi sa buong bansa




