206 total views
Dapat na ring imbitahan ng Senado ang International Criminal Police Organization ICPO or INTERPOL upang matukoy kung sino ang nag-hacked sa $81-million na pera mula sa Bangladesh government na ipinasok sa Pilipinas sa pamamagitan ng Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC) gamit ang apat na account ng casino sa bansa at ng 2 iba pang tao.
Ayon kay Toti Casino, isang computer expert, kinakailangan ito upang matiyak ang banking system sa bansa na lantad sa mga international hacker lalo na at pang-lokal lamang ang data center ng mga bangko dito.
Pahayag ni Casino, dapat na ring makipag-ugnayan ang Bangko Sentral ng Pilipinas sa Interpol upang masiguro na ligtas ang pera sa ating mga bangko.
“Hindi lang ordinary hacker yan maaring state-sponsored hacker na, kaya kailangang isama na rin sa hearing ang Intrerpol, nagkakaturuan kasi kung kanino galing ang pera, ang bangko natin ay vulnerable to attack, hindi siya ganun kasigurado ka secure, kaya kailangang maging ang BSP natin suriin itong maayos at makipag ugnayan sa Interpol,mga bangko natin hindi ganun ka secure, ang mga data center nila ay pang lokal lang, uso na kasi ang e-commerce nakapagpalit tayo ng pera sa iba-t ibang bansa, hindi lang hanggang ganyan ang krimen na yan.” Pahayag ni Casino sa Radyo Veritas.
Matatandaang natuklasan ang $81-million na inilagak sa RCBC mula sa Bangladesh matapos magkaroon ng mali sa spelling ng transaction.
Napaulat naman na ang na-hacked na salapi ay nagkakahalaga ng mahigit $200-million at $81-million dito pumasok sa Pilipinas sa pamamagitan ng RCBC.
Ipinaliwanag ni Casino na na-hacked ang Society of Worldwide Interbank Financial Telecommunications (SWIFT) na naka-base sa Switzerland kaya’t napaniwala ang Federal Reserve Bank ng New York US na legal ang transaksyon dahilan upang mailagak ang milyong milyong dolyar mula sa Bangladesh papasok ng bangko sa Pilipinas.
“Nape-penetrate nila ang mga data center lalo na ang mga bangko, na trace ang pagbukas sa data sa Bangladesh bank, kinuha nila ang pera at dahil dollar dumaan sa society of worldwide interbank financial telecommunications o swift, pag may pera na pinagpapasahan lalo na dollars mula bansa sa bansa yan ay parang clearing house, nakita din ng Federal Reserve Bank ng New York nakitang maayos, kaya naaprubahan nila…alam na nila ang paghack, malawak na sistema na yan hindi lang Pilipinas kundi buong daigidg ang sangkot, ganun kalawak .” ayon pa kay Casino.
Matatandaang maging ang Vatican ay hindi rin napalampas ng mga hacker kung saan noong 2012 dalawang beses na na-hacked ang Vatican website ng grupong Anonymous na kontra sa polisiya ng Santo Papa kaugnay ng paggamit ng contraceptives at sa iba pang mga usapin.