227 total views
Nagpahayag ng pagsuporta ang Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP) sa panawagan kaugnay sa paglalahad ng tunay na sitwasyon at mga naganap sa bansa sa ilalim ng rehimeng Marcos.
Ayon sa pamunuan ng CEAP, nararapat na maging mulat ang bagong henerasyon partikular na ang mga kabataang makikilahok sa halalan para sa unang pagkakataon, sa mapanlinlang na impormasyon na ibinabahagi ni Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na kandidato para sa pagka-pangalawang pangulo sa naging pamumuno ng kanyang ama sa bansa.
Dahil dito, tiniyak ng CEAP na patuloy na isusulong ng may 1,425 CEAP Member Schools, Colleges at Universities ang pagbabahagi sa mga kabataan ng tunay na mga naganap sa isa sa pinakamahalagang bahagi ng kasaysayan ng bansa at nanawagan sa Department of Education at Commission on Higher Education na manindigan sa katotohanan.
““As Catholic Educators, we also affirm our commitment to teach the truth. We encourage our various institutions of learning to assess the quality and the content of our instruction relative to the atrocities of the Marcos regime. We demand the same level of introspection from DepEd and CHEd. It seems that we have been remiss in instilling in the youth’s consciousness about the regime’s brutal savagery. Instead, they have been drowned by the Marcosian snares and the Imeldific lies.” Ang bahagi ng pahayag ng Catholic Educational Association of the Philippines.
Giit ng CEAP, nararapat na magkaisa ang bawat Filipino sa pamimili ng karapat dapat na lider ng bansa upang hindi na muling maulit pa ang panunupil na naranasan ng mga Filipino noon.
“The revolution, however, is unfinished. The fullness of democratization, especially the creation of a social order which respects the dignity of all Filipinos, has yet to be achieved. It is our responsibility now as a people to continue and complete this unfinished struggle.” Ayon sa CEAP.
Kaugnay nito, unang nagpahayag ng pangamba ang Task Force Detainees of the Philippines kaisa ang ilang Human Rights Community sa pagtakbo bilang pangalawang pangulo ng anak ng dating Pangulo at kilalang dictador ng bansa na si Pangulong Ferdinand E. Marcos, kung saan bukod sa paglabag sa karapatang pantao ng mga mamamayan ay kanila ring inangkin ang kaban ng bayan.
Batay sa tala, sa ilalim ng Martial Law, tinatayang aabot sa 3,000 ang sinasabing pinaslang dahil sa hindi pagsang-ayon sa mga patakaran, habang tinatayang umaabot naman sa higit 75,000 indibidwal mula sa buong bansa ang lumapit sa Human Rights Claims Board na biktima ng iba’t ibang paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng Martial Law at administrasyong Marcos.
Habang sa isinagawang pagsisiyasat ng Office of the Ombudsman noong 1988, nasa 100 milyong piso kada araw ang nawawala sa pera na bayan dahil sa laganap na korupsiyon, kung saan nabatid na noong panahon ng “Martial Law”, 5 hanggang 10-bilyong dolyar ang sinasabing nakuhang yaman ng pamilya Marcos sa pamahalaan na naitala sa Guinness Book of World Record bilang “the biggest robbery”.