182 total views
Hinimok ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mamamayan na makiisa sa Earth Hour 2016 ngayong ika-19 ng Marso sa ganap na alas otso y medya hanggang alas nueve y medya ng gabi.
Ayon kay Cardinal Tagle, sa tulong ng taunang pagsasagawa ng Earth Hour panandaliang nakapagpapahinga ang ating mundo kung saan taun taon umaabot sa 125 megawatts ang natitipid na elektrisidad.
Dagdag pa ng kardinal, ang taunang pagdiriwang ng Earth Hour ay paraan ng pagpaparamdam ng tao ng mabuting pakikitungo at pangangalaga sa kalikasan.
“Patayin po natin ang lahat ng ating mga appliances at mga gamit na gumagamit ng electricity, ito po ay para makapagpahinga ang atin pong mundo, at sabi nga po ni Pope Francis, kailangan natin ng Ecological Justice, kailangan ding maramdaman ng ating kalikasan ang ating mabuting pakikitungo, bigyan po natin sya ng kaunting pahinga. Earth Hour March 19, 2016, wala po muna tayong electrical appliances ng makapagpahinga ang mundo,” pahayag ng kardinal.
Taong 2007, unang isinagawa ang Earth Hour sa Sydney Australia at agad itong inilunsad sa Pilipinas sa taong 2008 kung saan ito ang kauna-unahang bansa sa Asya na nakilahok sa programa.
Dahil sa milyun-milyong mga Filipinong nakilahok sa Earth Hour nakamit ng Pilipinas ang titulong “ Earth Hour Hero Country” sa loob ng limang taon simula 2009 hanggang 2013.
Samantala, sa Laudato Si ni Pope Francis, hinikayat nito ang bawat tao na simulan sa pagbabago ng lifestyle ang ecological conversion na kinakailangan ng mundo, at dito naman magmumula ang community conversion o pagkakaisa ng bawat mamamayan para sa iisang adhikaing protektahan ang sannilikha.