92 total views
Nagpaabot ng pagbati ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Indigenous Peoples (CBCP-ECIP) sa pagkakatalaga kay Calapan Bishop Moises Cuevas bilang bagong chairman ng komisyon.
Opisyal nang nagsimula ang tungkulin ni Bishop Cuevas noong December 1, 2025, bilang kahalili ni Bontoc-Lagawe Bishop Valentin Dimoc.
Nagpapasalamat naman ang CBCP-ECIP kay Bishop Dimoc sa limang taong paglilingkod bilang pinuno ng komisyon mula December 2020.
“Isang malugod na pagbati kay Lubos na Kagalang-galang Obispo Moises M. Cuevas, DD sa kanyang pagkakatalaga bilang ECIP Commission Chair at maalab na pasasalamat din kay Lubos na Kagalang-galang Obispo Valentin C. Dimoc, DD sa mga nagdaang taong paglilingkod bilang Commission Chair ng ECIP, “ ayon sa CBCP-ECIP.
Gayunman, mananatili pa rin si Bishop Dimoc bilang katuwang ng komisyon bilang vice-chairman.
Ang CBCP-ECIP ang sangay ng simbahan na nakatuon sa pangangalaga sa kapakanan ng mga katutubo, kabilang ang kanilang karapatan, lupaing ninuno, at pagpapanatili ng kultura at mga tradisyon.
Inaasahang sa ilalim ng pamumuno ni Bishop Cuevas ay magpapatuloy ang komisyon sa pagsusulong ng mga programa para sa mga katutubo, lalo na sa gitna ng iba’t ibang hamong kinakaharap sa kanilang mga lupaing ninuno.




