206 total views
‘Direktang nararamdaman ang awa ng Diyos sa pagmamalasakit sa kapwa na nangangailangan.’
Ito ang binigyang diin ni Rev. Fr. Anton CT Pascual, executive director ng Caritas Manila at Presidente ng Radyo Veritas sa makabuluhang pamamahagi ng biyaya o ‘Bags of Blessing,’ ng Metrobank Foundation sa 700 mahihirap sa Baseco at Binondo Maynila na pinili mismo ng Caritas Manila at ng Filipino Chinese Chambers.
Ipinagsalamat rin ni Fr. Pascual ang inisyatibong ito ng Metrobank Foundation sa pangunguna ng kanilang founder na si Dr. George Ty.
“Nagpapasalamat tayo dito sa ating Year of Mercy kung saan nadadama ng ating mahihirap ang direktang awa ng Diyos. Sa hapon ito mga 700 na mahihirap na pamilya ang tatanggap ng mga ‘Bags of Blessing,’ na ang ginamit ng Panginoon ay ang Metrobank Foundation at ang GT Foundation sa pangunguna ng kanilang founder na si Dr. George Ty at ang kanyang kinatawan dito ay si Mr. Chito Sobrepena,” bahagi ng pahayag ni Fr. Pascual sa Radyo Veritas.
Ayon pa sa pari, konkreto rin ang gawaing ito ng Metrobank Foundation upang mas lalong mahikayat ang iba na magmalasakit sa kapwa.
Pinayuhan niya rin ang mga benipisyaryo nito na matuto ring ibahagi sa kanilang mga kapitbahay na higit na nangangailangan ang kanilang biyayang natanggap.
“Nagpapasalamat tayo sa kanilang ‘Bags of Blessing,’ 10,000 ito na mga pagkain, na 1 libong piso kada 1 bag. Nabiyayaan ang nasa 700 dito sa Baseco at Binondo na mahihirap na pinili ng Caritas Manila at ng SSD volunteers. Nawa sa pagtanggap nila ng biyaya na natanggap nila, sila nawa ay maging mapagbigay sa kanilang kapwa lalong lalo na yung mahihirap na kapit-bahay nila,” giit pa ng pari.
Magugunita na naglaan ng P10 milyong pondo ang Metrobank Foundation para sa 10,000 mahihirap na pamilyang Pilipino sa mga Arkidiosesis at diyosesis sa bansa.
Kaisa ng Metrobank Foundation sa gawaing ito ang Catholic Bishops Conference of the Philippines o CBCP at ang Caritas Manila.
Sa isa sa survey ng Social Weather Stations noong 2015, nasa mahigit 11 milyong pamilya sa bansa ang nagsabing sila ay mahirap.