184 total views
Isinusulong ng Archdiocese of Tuguegarao ang paglulunsad ng “Green Platform” bilang gabay sa mga botante sa pagboto ng kandidato na maka-kalikasan.
Ayon kay Tuguegarao Archbishop Sergio Utleg, mahalaga na suriin ng mga botante ang plataporma ng mga kumakandidato na hindi lamang isinusulong ang pag–unlad ng ekonomiya at isinasantabi na lamang ang pangangalaga sa kalikasan.
“Sa aming Diocese ang program namin ay ang tinatawag naming ‘green platform,’ sinasabi namin sa mga botante na iboto niyo yung mga kandidato na talagang po-protektahan nila ang environment. Yan ang isa sa mga standard namin na quality ng candidate na dapat piliin nila. Aside from of course corruption, political dynasty, pero yung ngayon we’d like to focus on the environment,” bahagi ng pahayag ni Bishop Utleg sa Radyo Veritas.
Nauna na ring inilunsad ng Tasked Force Eleksyon ang acronym na VERITAS bilang batayan sa pagpili ng mga botante sa pagboto at isa nga ito ay ang “Respect for the Environment.”
Magugunita na nanawagan na rin si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa lahat ng mga mananampalatayang botante na maninidigan at simulan ang pagsusulong ng “intergral ecological conversion” ngayong 2016 national elections.
Nabatid na pangunahing materyales na ginagamit ng mga polyetos ng mga kandidato ay yari sa papel at tinatayang limang libong ektaryang kagubatan ang nasira noong taon 2000 lamang dahil sa illegal logging.