Buena-mano ng SSS sa bagong taon
850 total views
Mga Kapanalig, kasabay ng pagsalubong sa bagong taon ang dagdag sa buwanang kontribusyon sa Social Security System (o SSS). Epektibo ito simula a-uno ng Enero.
Alinsunod sa Republic Act No. 11199 o ang inamyendahang Social Security Act na ipinasa noong 2018, tataas ang kontribusyon ng mga miyembro ng SSS kada dalawang taon. Umakyat ito sa 12% noong 2019, 13% noong 2021, at 14% noong 2023. Ngayon, 15% na ang contribution rate. Halimbawa, kung ang suweldo ng isang miyembro sa isang buwan ay sampung libong piso, ₱1,500 na ang dapat niyang ihulog sa SSS. Kung empleyado ang miyembro, hati sila ng kanyang employer: 5% sa empleyado at 10% naman sa employer.
Ito na sana ang huling pagtaas ng kontribusyon ng mga miyembro. Sa taas ng mga bilihin ngayon at sa mahal ng mga serbisyo—gaya ng pagpapadoktor at pagpapaospital—dagdag-pasanin talaga ang umento sa hulog sa SSS. Anumang kaltas sa suweldo ay kabawasan sa panggastos ng mga karaniwang manggagawa. Habang tumataas ang suweldo ng isang miyembro, tataas din ang kanyang kontribusyon.
Mabuti sana kung sabay ding tumataas ang suweldo ng mga manggagawa. Ayon sa Department of Labor and Employment, halos limang milyong minimum-wage workers sa pribadong sektor ang nakatanggap ng mas mataas na suweldo noong isang taon. Nasa pagitan ng ₱21 at ₱75 daw ang itinaas sa arawang suweldo sa maraming rehiyon sa bansa. Pero baka lumalabas na ang itinaas sa suweldo nila ay napupunta sa SSS at iba pang kailangang hulugan katulad ng Pag-IBIG at PhilHealth.
Paliwanag ng SSS, kailangang itaas ang buwanang kontribusyon ng mga miyembro nito para humaba ang buhay ng pondo ng ahensya. Mas mataas na kontribusyon, mas mataas na benepisyo, katwiran ng SSS. Dapat lang.
Pero natuklasan ng Commission on Audit (o COA) na noong 2023, bigo ang SSS na kolektahin ang bilyun-bilyong halaga ng kontribusyon mula sa mga tinatawag na delinquent employers. Tumataginting na 89 bilyong piso ang hindi nakolekta ng SSS noong taóng iyon. Sa inaasahang halos 94 bilyong pisong koleksyon, kulang-kulang 5% lamang ng halagang ito ang nai-remit sa SSS. Hindi bababa sa 420,000 na employers ang hindi raw naghulog ng kanilang ambag sa SSS contribution ng kanilang empleyado. Ang ganitong kalaking halaga ng ‘di nakokolektang kontribusyon, puna ng COA, ay patunay na inefficienct o hindi masinop at maagap sa pangungulekta ang ahensya. Makaaapekto ito sa paghahatid ng SSS ng mga benepisyo sa mga miyembro at mga benepisyaryo nila.
Ang katatagan ng ating social security ay pundasyon ng pagtataguyod ng ating lipunan sa dignidad ng tao (lalo na ng mga mahihirap na walang kayamanang maaasahan sa kanilang pagtanda) at sa kabutihang panlahat (o common good). Mahahalagang prinsipyo ang mga ito ng mga panlipunang turo ng ating Santa Iglesia. Dapat may makakapitan, ‘ika nga, ang mga manggagawa kapag sila ay nawalan ng trabaho, nagkasakit, naaksidente, tumanda, o namatay.
Kaya mahalagang nababantayan natin ang pondong mula sa ikinakaltas sa suweldo ng mga manggagawa o kita ng mga self-employed. Nauunawaan natin ang pangangailangang itaas ang kontribusyon para matiyak na may matatanggap ang mga miyembro kapag sila ay magretiro o kailangang humiram. Pero dapat ayusin din ng SSS ang sistema nito para hindi nararamdaman ng mga miyembro na kinakaltasan lamang sila buwan-buwan. Dapat tiyaking ginagampanan din ng pribadong sektor—o ng mga employers—ang kanilang obligasyon. Tutukan din dapat sila ng SSS.
Mga Kapanalig, malaki ang pag-asa ng maraming kababayan natin sa SSS. Kaya mainam na paalala sa ahensya ang sinasabi sa Mga Kawikaan 3:29, “Huwag gagawan ng masama ang… sa iyo’y umaasa.” Huwag dapat dumating ang panahong walang mapapala ang mga miyembro sa kontribusyong pinaghirapan nila.
Sumainyo ang katotohanan.