Veritas PH

The WORD. The TRUTH.

CULTURAL NEWS

Panatilihin ang “Filipino spiritual identity”, panawagan ng Obispo sa Filipino community

 9,532 total views

Hinimok ni San Jose, California Auxiliary Bishop Andres Ligot ang Filipino community sa lugar na panatilihing nakasentro kay Kristo ang pagdiriwang ng Simbang Gabi, na higit pa sa isang tradisyong kultural kundi isang malalim na espiritwal na pagkakakilanlan ng mga Pilipino.

Sa kanyang homiliya sa Simbang Gabi 2025 Kickoff Mass noong December 10 sa Our Lady of Guadalupe Church, sinabi ng obispo na ang nasabing debosyon ay “spiritual identity” na tinataglay ng mga Pilipino saanmang bansa sila naroroon.

“Simbang Gabi is more than a set of liturgies. It is more than a cultural event. It is a spiritual identity we carry wherever we go… Let Simbang Gabi never be a stage for personalities, but always a platform for Christ,” ani Bishop Ligot.

Binanggit ng obispo na ang Simbang Gabi ay patunay ng pananabik ng mga Pilipino sa pagsilang ng Manunubos, dala ang pag-asang nagliliwanag sa kabila ng mga hamon sa araw-araw na buhay, lalo na para sa mga kababayan na malayo sa kanilang tahanan.

Dagdag ng obispo, ang patuloy na pagdiriwang ng Simbang Gabi ng mga Pilipino sa iba’t ibang panig ng mundo ay paggalang sa pananampalatayang minana mula sa mga ninuno, mga kaugaliang higit pang nagpapalalim sa buhay-espiritwal at pakikipagkapwa.

“This is the spirit of Simbang Gabi. We rise early or gather late not just to keep a tradition, but to bring our lives to Jesus, our joys, our tiredness, our fears, our hopes… This devotion has formed generations. It has taught us sacrifice, perseverance, community, and joy,” dagdag ng obispo.

Tampok din sa pagdiriwang ang commissioning ng mga maglilingkod para sa Simbang Gabi, kung saan pinaalalahanan ni Bishop Ligot ang mga volunteers, choir members, at lay leaders na maglingkod nang may kababaang-loob at may pusong nakatuon kay Kristo.

“Competition has no place in ministry. Gossip destroys the unity Christ asks of us. Resentment closes the door to grace. Self-promotion contradicts the Gospel… Open the doors wider. Welcome others more readily. Make our liturgies accessible even to those who do not speak Tagalog,” paalala ni Bishop Ligot.

Tinukoy rin ng obispo na nakikita ng Diyos ang pagod at paghihirap ng mga naglilingkod sa simbahan, at patuloy silang bibigyan ng lakas upang magpatuloy sa misyon.

Tinatayang 61,300 ang mga Pilipinong naninirahan sa San Jose, California, o anim na porsyento ng kabuuang populasyon, batay sa American Community Survey.

Nagpasalamat si Bishop Ligot sa mainit na suporta ng Filipino community sa kanyang unang pagdiriwang ng Simbang Gabi bilang katuwang na obispo ng diyosesis, makalipas ang kanyang episcopal ordination noong November 3.

Paghihirap at pagkamatay ni Hesus, pinakatampok sa kasaysayan ng pagliligtas sa sangkatauhan

 18,114 total views

Inihayag ni Fr. Francis Tiquia, Asia’s spiritual director ng Alliance of the Holy Family International, na ang pinakatampok na pangyayari sa kasaysayan ng pagliligtas sa sangkatauhan ay ang paghihirap at pagkamatay ni Hesus sa krus.

Ito ang binigyang-diin ng pari sa kanyang pagninilay sa ginanap na 26th Archdiocesan Communion and Reparation Vigil sa Archdiocesan Shrine of the Theotokos sa Carcar City, Cebu noong Disyembre 10–11,2025.

Ayon kay Fr. Tiquia, bagamat minsan lamang naganap ang pagpapakasakit ni Kristo, nananatili itong buhay at kasalukuyang nagiging tunay tuwing nagdiriwang ng Banal na Misa.

“The greatest action in the history of salvation is the dying of God, Jesus Christ, on the cross. The sacrifice of Christ happened only once, but because He is both God and man, it is always present and eternal,” ani Fr. Tiquia.

Hinimok niya ang mananampalataya na palalimin ang debosyon sa Banal na Eukaristiya sapagkat dito patuloy na ipinadadama ang buhay na presensya ni Kristo.

“Every time the Mass is celebrated, what transpired 2,000 years ago becomes real and present at the altar,” dagdag pa niya.

Binanggit din ng pari ang mahalagang bahagi ng Mahal na Birheng Maria sa plano ng kaligtasan, lalo na ang kanyang “oo” na nagbigay daan upang magkatawang-tao si Hesus.

“Mary is essential to the divine plan of salvation because she gave us the mediator and the source of all grace,” paliwanag ni Fr. Tiquia.

Inilarawan niya ang matinding dalamhati ni Maria sa paglakad ni Hesus patungong Kalbaryo hanggang sa pagkapako sa krus, na aniya’y pagpapakitang ang Ina ay lubos na nakibahagi sa paghihirap ng Anak.

Dagdag pa niya, ang tunay na debosyon kay Maria ay hindi naglalayo sa tao mula kay Kristo kundi lalo pang nagdadala sa Kanya.

“There is no danger of loving Mary too much because she always leads souls back to Jesus,” ani Fr. Tiquia.

Tema ng pagtitipon ang “Family Consecration & Reparation, the Urgent Appeal of Our Lady of Fatima,” na nagtataguyod ng debosyon sa Alliance of Two Hearts—ang Sacred Heart of Jesus at Immaculate Heart of Mary—upang pagsisihan ang mga kasalanan at bigyang-proteksyon ang mga pamilya.

Kabilang sa mga gawain sa overnight vigil ang pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya, pagtatanod sa Banal na Sakramento, paggawad ng sakramento ng pagkukumpisal, at pagdarasal ng Santo Rosaryo.

Photo courtesy: Theotokos Shrine Cebu

Harapin ang kamatayan nang may pag-asa-Pope Leo XIV

 18,183 total views

Harapin ang kamatayan nang may pag-asa-Pope Leo XIV

Hinimok ni Pope Leo XIV ang mga mananampalataya na harapin ang kamatayan nang may pag-asa at hindi takot, sa bisa ng muling pagkabuhay ni Hesus na nagbubukas ng buhay na walang hanggan.

Sa kanyang katesismo sa Vatican para sa temang “Jesus Christ Our Hope,” binigyang-diin ng Santo Papa na ang modernong lipunan ay abala sa pag-iwas sa usapin ng kamatayan at labis na umaasa sa agham at medisina upang humanap ng “immortality,” habang nalilimutan ang pangako ng kaligtasan.

“Death is not the end, but a passing from this life into eternity… We are invited to look forward to the dawn of the Resurrection,” pahayag ni Pope Leo XIV.

Ayon sa Santo Papa, ang takot sa kamatayan ay bunga ng kulturang umiiwas mag-isip tungkol dito. Subalit bilang mga Kristiyano, aniya, dapat itong tingnan bilang panahon ng paghahanda at paanyaya upang suriin ang sariling buhay.

“Our present culture tends to fear death and seeks to avoid thinking about it. Death is not something to be feared, but a moment to prepare for,” aniya.

Paliwanag niya, habang abala ang tao sa paghahanap ng paraan upang maging imortal, napababayaan ang higit na mahalagang paghahanda para sa muling pagharap sa Panginoon.

Ang kamatayan, ay dapat magtulak sa bawat isa na gawing makabuluhan ang buhay sa pamamagitan ng paggawa ng kabutihan at pagsasabuhay ng Ebanghelyo.

Dagdag pa ni Pope Leo XIV, ang muling pagkabuhay ni Hesus ang nagbibigay-liwanag sa ating mortalidad at nagpapakita ng pag-asang nagmumula sa tagumpay ng Panginoon laban sa kamatayan.

“Jesus has passed from death to life as the firstfruit of a new creation… The light of Christ’s victory illuminates our mortality,” giit ng Santo Papa.

Dignidad ng tao, pundasyon ng moralidad

 20,966 total views

Nanindigan ang Conference of Major Superiors in the Philippines–Justice, Peace, and Integrity of Creation Commission (CMSP-JPICC) at mga Mission Partners sa pagtatanggol sa buhay at dignidad ng tao kasabay ng paggunita sa Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao noong December 10.

Sa kanilang pahayag, binigyang-diin ng grupo na “ang karapatang pantao ay hindi lamang pananaw o polisiya, ito ay mga banal na biyayang nakaugat sa dignidad na bigay ng Diyos sa bawat tao.”

Iginiit nila na ang dignidad ng tao ang pundasyon ng moralidad sa lipunan, subalit “sugatan” pa rin ang karapatan ng maraming Pilipino sa kasalukuyang panahon.

Pinuna ng CMSP-JPICC ang patuloy na paghahanap ng katarungan ng mga pamilyang biktima ng karahasan, ang red-tagging at pananakot laban sa mga tagapagtanggol ng karapatang pantao, at ang mga kaso ng harassment at pagpapalayas sa mga katutubo mula sa kanilang lupang ninuno.

Binatikos din ng grupo ang laganap na korapsyon na anila’y sumisira sa mga komunidad.

“Buong tapang naming binibigyang-diin: ang malawakang korapsyon sa mga flood control projects ay isang mabigat na kasalanan laban sa sambayanan,” pahayag nila.

Ayon sa grupo, nagiging “kamatayan” ang korapsyon para sa mahihirap na paulit-ulit na nalalagay sa panganib at pagdurusa.

“Hindi maaaring manahimik ang Simbahan… Ito ay hindi lamang isyu ng pamamahala. Ito ay paglabag sa karapatang pantao at kasalanan laban sa Diyos at sa bayan,” dagdag ng CMSP-JPICC.

Iginiit ng grupo na ang daing ng mga biktima ng karahasan, baha, gutom, at pang-aabuso ay “daing ni Kristo,” kaya’t tungkulin ng simbahan na tumindig para sa mga walang boses.

“Pinagtitibay namin ang aming misyon: tumindig para sa katotohanan, samahan ang mga biktima, ipagtanggol ang mga naaapi, at manawagan ng pananagutan at tapat na pamamahala,” ayon sa grupo.

Hinimok din nila ang taumbayan na tanggihan ang kasinungalingan, labanan ang korapsyon, at isulong ang katarungan at kapayapaan.

Sa kabila ng mga hamon, nagpahayag ang CMSP-JPICC ng pag-asa, isang “pag-asang kumikilos, gumagaling, at nagbabago.”

Ang December 10 ay ginugunita bilang Human Rights Day mula nang pagtibayin ng United Nations General Assembly noong 1948 ang Universal Declaration of Human Rights, ang kauna-unahang pandaigdigang dokumentong naglatag ng batayang karapatan at kalayaan ng lahat ng tao.

Ordinasyon ng bagong Obispo ng Diocese of San Jose, pangungunahan ni Cardinal Tagle

 18,497 total views

Pangunungunahan ni Cardinal Luis Antonio Tagle, pro prefect ng Dicastery for Evangelization ng Vatican, ang ordinasyon ni San Jose, Nueva Ecija Bishop-elect Samuel Agcaracar, SVD.

Itinakda ang episcopal ordination sa January 17, 2026, alas-9:00 ng umaga, sa Holy Spirit Chapel ng Divine Word Seminary, Tagaytay.
Si Bishop-elect Agcaracar ang itatalaga bilang ikalimang obispo ng Diocese of San Jose.

Katuwang ni Cardinal Tagle sa pagtatalaga sina Archbishop Charles Brown, Papal Nuncio to the Philippines, at Bishop Pablito Tagura, SVD, ng San Jose, Occidental Mindoro.

Itinalaga ni Pope Leo XIV si Bishop-elect Agcaracar noong November 21 bilang kahalili ni Bishop Roberto Mallari, na inilipat sa Diocese of Tarlac noong 2024.

Tubong Claveria, Cagayan, ipinanganak si Bishop-elect Agcaracar noong December 4, 1969.

Nagtapos siya ng Bachelor’s degree in History of Religious Education sa Divine Word College sa Bangued, Abra, at Master’s in Education sa Divine Word College sa Laoag, Ilocos Norte.
Tinapos niya ang kursong Pilosopiya sa Christ the King Seminary ng Society of the Divine Word (SVD) sa Quezon City at ang Theology sa Divine Word School of Theology sa Tagaytay City.
Nakamit din ni Bishop-elect Agacaracar ang Doctorate in Missiology sa Pontifical Gregorian University sa Roma.

Sa panahon ng kanyang pagkatalaga bilang ikalimang obispo ng San Jose, si Bishop-elect Agcaracar ay nagsisilbi bilang Rector ng Divine Word Seminary sa Tagaytay City.

Bagong Arsobispo ng Archdiocese of Cotabato, humiling ng panalangin

 21,870 total views

Humiling ng panalangin si Cotabato Archbishop Charlie Inzon sa pagsisimula ng kanyang paglilingkod bilang bagong pinunong pastol ng Archdiocese of Cotabato.

Ayon sa arsobispo, mahalaga ang patuloy na panalangin upang manatiling nakaangkla sa puso ni Hesus ang kanyang pagiging pastol sa mahigit isang milyong Katoliko sa arkidiyosesis.

“As I begin in this new ministry of leadership in the Archdiocese of Cotabato, I ask for your prayers that my heart may be shaped after the heart of Jesus; as a shepherd attentive to the needs of the flock,” ayon kay Archbishop Inzon.

Ibinahagi ng arsobispo na hindi niya inaasahan ang mga tungkuling ipinagkatiwala sa kanya sa paglipas ng panahon mula sa pagiging payak na misyonero ng Oblates of Mary Immaculate, hanggang sa pangangasiwa sa mga eskwelahan ng kongregasyon, pagiging provincial superior, at pagkakatatalaga bilang obispo noong 2020.

Hangad ng Arsobispo na magampanan ang misyon nang may kababaang-loob, katapatan, at diwa ng simbahan na sama-samang naglalakbay.

“A servant leader committed to serving rather than being served, and a faithful steward exercising leadership with transparency, accountability, courage, and love,” dagdag ng arsobispo.

Iginiit ni Archbishop Inzon na ang pagtatalaga sa kanya sa mas malalaking tungkulin ay bahagi ng mas malalim na panawagan ng Diyos.

“What I do know now is that I surrender to His will, trusting that He knows what is good for me and for His Church. I entrust everything to Mary Immaculate, my constant companion,” ayon kay Archbishop Inzon.

Pormal na niluklok si Archbishop Inzon sa Immaculate Conception Cathedral sa Cotabato City sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi kay Maria at ika-75 anibersaryo ng pagkakatatag ng arkidiyosesis.

Pinangunahan ang rito ng pagluklok ni Archbishop Emeritus Angelito Lampon kasama si Cardinal Orlando Quevedo, at dinaluhan ng mga pari ng KidMaCo sub-region, mga obispo mula sa iba’t ibang diyosesis, mga opisyal ng CBCP, lokal na pamahalaan, at mananampalataya.

Kasabay ng kanyang panunungkulan sa Cotabato, ipinagkatiwala pa rin ng Vatican kay Archbishop Inzon ang pansamantalang pamumuno sa sede vacante ng Bikaryato ng Jolo hanggang makapagtalaga ang Santo Papa ng kahalili.

Pagpapaalab ng debosyon sa banal na eukaristiya, isinulong ng Diocese of Kidapawan

 23,299 total views

Binibigyang-diin ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo ang pangangailangang buhayin muli ang malalim na debosyon ng mananampalataya sa Banal na Eukaristiya, na itinuturing na sentro ng buhay at misyon ng simbahan.

Sa ginanap na Diocesan Eucharistic Revival and Adoration Congress, sinabi ng obispo na nakatuon ang paglalakbay ng diyosesis at ng Gagmay’ng Kristohanong Katilingban (GKK) o Basic Ecclesial Communities sa pagbabalik sa tunay na presensya ni Kristo sa Eukaristiya.

“Nais naming ibalik ang mamamayan ng Diocese of Kidapawan sa malalim na pagmamahal at pagpapahalaga sa Banal na Eukaristiya. Ang sentro ng aming simbahan at ng aming pagiging sambayanan ay walang iba kundi ang Eucharist, the origin and the source of our life,” pahayag ni Bishop Bagaforo sa Radyo Veritas.

Bahagi ng adhikain ng diyosesis ang pagpapaigting ng debosyon sa Blessed Sacrament, lalo na sa mga adoration chapels ng iba’t ibang parokya.

Umaasa ang obispo na sa pamamagitan ng masiglang pagdalo at pagninilay sa Eukaristiya ay muling manumbalik ang sigla ng pananampalataya ng mga Katoliko sa Kidapawan.

“Tatlo ang layunin namin: palalimin ang appreciation for the Holy Eucharist, ipaalala na ito ang sentro ng simbahan, at bumuo ng mga grupong may debosyon sa Blessed Sacrament,” dagdag ng obispo.

Tinatayang 17,000 mananampalataya ang nakiisa sa culminating activity ng isang taong pagsasagawa ng eucharistic adorations ng mga GKK bilang bahagi ng pagdiriwang ng Jubilee Year of Hope ng Simbahan ngayong 2025.

Pinuri ni Bishop Bagaforo ang malaking bilang ng lumahok at hinimok ang mas aktibong pakikibahagi sa mga pagdiriwang ng Banal na Misa, partikular tuwing Linggo.

Binigyang-diin ng obispo na layon ng eucharistic revival na tugunan ang pagbaba ng bilang ng dumadalo sa Misa, na aniya’y nasa humigit-kumulang 20 porsyento lamang.

“Umaasa kami na ang Eucharistic Adoration ay magbago at magpabanal ng buhay ng mga mananampalataya ng Diocese ng Kidapawan. Sana maging maka-Diyos tayo at higit sa lahat, maging makahulugan ang ating pagmamahal sa Banal na Misa,” giit ni Bishop Bagaforo.

Pinangunahan ni Bishop Bagaforo ang exposition of the Blessed Sacrament sa St. John Paul II Parish sa Amas, Kidapawan City, na sinundan ng isang Eucharistic Procession patungong Capitol Ground Complex kung saan sama-samang nagdiwang ng Banal na Misa ang libo-libong mananampalataya.

“Not in Pangasinan. Not Anywhere Else!”

 57,915 total views

Mariing tinutulan ng mga obispo ng Metropolitan of Lingayen–Dagupan ang planong pagtatayo ng isang nuclear power plant sa Western Pangasinan, na sakop ng Diocese of Alaminos.

Sa kanilang pinagsamang pastoral statement, iginiit ng mga pastol na ang proyekto ay banta hindi lamang sa kalikasan kundi lalo na sa kaligtasan at kalusugan ng mamamayan.

“We, your archbishop and bishops of the Church in Lingayen Dagupan, declare our opposition to the construction of a nuclear power plant… There is no greater time to come together and stand against any form of destruction that will harm the poor and the vulnerable the most,” ayon sa pahayag.

Tinukoy ng mga obispo na nananatiling mataas ang panganib ng lalawigan sa mga lindol at bagyo, mga panganib na maaaring lumala bunsod ng pagtatayo ng isang nuclear facility.

Nasa state of calamity pa rin ang Pangasinan matapos maapektuhan ng Bagyong Uwan ang mahigit 233,000 residente, dahilan upang kondenahin ng mga pastol ang pagpapatuloy ng proyekto.

Inalala rin ng mga obispo ang trahedyang nuclear sa Fukushima, Japan noong 2011, na siyang nagtulak sa Catholic Bishops’ Conference of Japan na manawagan sa agarang pag-aalis ng mga nuclear power plant dahil sa “insoluble dangers” nito sa buhay, kabuhayan at kalikasan.

Ganito rin ang paninindigan ng mga obispo ng Korea, na nananatiling mariing tutol sa paggamit ng nuclear energy.

“The long-term consequences of nuclear accidents and waste management pose a threat that overrides the perceived short-term benefits,” ayon sa pastoral statement na tumutukoy sa posisyon ng Japan at Korea.

Binigyang-diin pa ng mga obispo na ang lugar na pinag-aaralan para sa proyekto ay malapit sa East Zambales Fault Line, bagay na nagpapalala sa panganib ng isang malawakang sakuna.

“The potential for a catastrophic accident caused by a major earthquake or a super typhoon far outweighs any projected energy benefits,” anila.

Binalikan din ng mga pastol ang matagal nang pag-iingat ni Pope Francis hinggil sa paggamit ng nuclear energy, lalo na’t wala pa ring ganap na katiyakan sa kaligtasan at seguridad nito.

Giit ng mga obispo, dapat siyasatin nang mabuti ang anumang proyektong pang-enerhiya upang tiyaking nakatuon ito sa kapakanan ng mamamayan at hindi magdudulot ng karagdagang panganib sa komunidad.

“Our nation is blessed with abundant renewable energy potential, yet highly vulnerable to disasters. These realities compel us to exercise extreme caution,” panawagan nila.

Hinikayat ng mga obispo ang pamahalaan, mga mambabatas, at buong sambayanan na piliin ang mga hakbang na nagtataguyod ng pag-iingat, kaligtasan, at pangmatagalang sustainability.

“We must prioritize the protection of all life… Pangasinan is not ours. We owe future generations to keep it safe from the disaster of a nuclear catastrophe,” pahayag ng mga obispo.

Antipolo cathedral, dinalaw ng relikya ni St. Carlo Acutis

 67,217 total views

Inihayag ni Antipolo Bishop Ruperto Santos na ang paanyaya sa kabanalan ay paanyayang laging napapanahon para sa bawat mananampalataya.

Ito ang mensahe ng obispo sa pagdalaw ng relikya ni Saint Carlo Acutis sa International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage o Antipolo Cathedral nitong December 5 bilang bahagi ng nationwide relic pilgrimage ng batang santo.

Ayon kay Bishop Santos, ipinapakita ng buhay ni San Carlo na maging sa ordinaryong gawain sa makabagong panahon ay matatagpuan ang daan tungo sa kabanalan.

“Holiness is possible even in our modern, digital age. Saint Carlo shows us that sanctity is possible in the ordinary, in the digital, in the everyday,” pahayag ni Bishop Santos.

Pinuri ni Bishop Santos ang halimbawa ng millennial saint na isang computer genius na ginamit ang kaniyang talino sa teknolohiya upang ipalaganap ang misyon ng Panginoon at ipakilala si Kristo.

Aniya, tulad ni Acutis, nawa’y gamitin ng bawat binyagan ang kanilang talento upang papurihan ang Diyos at ihayag ang Ebanghelyo sa pamayanan kasabay ng paalala na ang bawat salita ay dapat magdulot ng kabutihan.

“Use your words to build, not to destroy… Think about what is true and good. Speak what is true and good. Do what is true and good… Do not spread lies, fake news, or gossip,” paalala ni Bishop Santos.

Bagama’t bihasa ang kasalukuyang henerasyon sa paggamit ng iba’t ibang digital tools, iginiit ng obispo na kaakibat nito ang malaking tungkulin na gamitin ang teknolohiya sa kabutihan, alinsunod na rin sa mga turo ng Simbahan sa Inter Mirifica.

“The Lord has entrusted us with these tools not for vanity, but for truth, for goodness, and for love… Technology is not the end, but a means. The true goal is holiness,” diin ng obispo.
Hinikayat din ni Bishop Santos ang mananampalataya na tularan ang malalim na debosyon ni Saint Carlo sa Eukaristiya, dala ng kaniyang kilalang katagang “The Eucharist is my highway to heaven.”

Araw-araw na misa, pagtatanod sa Banal na Sakramento, at paglikha ng website tungkol sa Eucharistic miracles ang ilan sa mga gawaing nagpaunlad sa kabanalan ng batang santo.

Nagsimula ang Pericardium Relic Pilgrimage ni Saint Carlo Acutis noong November 28 at bibisita sa iba’t ibang diyosesis, parokya, at Catholic institutions sa bansa hanggang December 15.

Mananampalataya, hinimok ng Obispo na ipamalas ang pag-ibig ng Diyos sa kapwa

 83,545 total views

Hinimok ni Catarman Bishop Nolly Buco ang mga mananampalataya na pag-ibayuhin ang pag-asa at ipamalas ang pag-ibig ng Diyos sa kapwa habang naghahanda ang Simbahan para sa pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang.

Aniya, higit na mahalaga ang mensahe ng Adbiyento sa gitna ng mga hamon na kinakaharap ng mundo ngayon.

“In this Advent Season, we are reminded of the hope and joy that come with the anticipation of the Nativity of our Saviour, Jesus Christ. May our hearts be filled with hope and our spirits renewed as we strive to be beacons of light in a world that needs God’s love and tenderness,” ayon kay Bishop Buco.

Ipinaliwanag ng obispo na ang Adbiyento ay paanyaya sa bawat mananampalataya na palalimin ang pagtitiwala sa kaligtasang hatid ni Kristo at patatagin ang pananampalataya.
Ang pagpapadama ng pag-ibig sa kapwa ay isang malinaw na pagpapakita ng pag-asa.

Binigyang diin din ng obispo ang synodality na isinusulong ng Simbahan ay isang sama-samang paglalakbay ng pananampalataya na nakaugat sa pag-ibig at pagkakaisa.

Ang pagpapalakas ng ugnayan at partisipasyon sa pamayanang Kristiyano, aniya, ay nangangailangan ng pagiging bukas sa Espiritu Santo at sa “signs of the times.”

“As we prepare for the celebration of Jesus’ birth, let us reflect on the manger values of love, compassion, and mercy that He embodied… May the celebration of Christmas be a time of grace, peace, and joy for all our families,” dagdag ng obispo.

Hinikayat rin niya ang mananampalataya na hayaang maging daan ang diwa ng Pasko upang mas mapalalim ang malasakit at paglilingkod sa mga nangangailangan, sapagkat dito tunay na nahahayag ang kahulugan ng pagsilang ni Kristo.

“May we emerge from these holy seasons with a deeper commitment to our faith and to serving others,” ani Bishop Buco.

Archbishop Uy; Pananampalatayang nakaugat kay Hesus, panawagan sa Kristiyano

 73,954 total views

Pinaalalahanan ni Cebu Archbishop Alberto Uy ang mga mananampalataya na kinakailangang nakaugat kay Hesukristo ang buhay ng bawat isa upang manatiling matatag ang pundasyon ng pagkatao.

Sa kanyang pagninilay nitong Huwebes, sa unang linggo ng Adbiyento, binigyang-diin ng arsobispo na maging ang mga tao o bansang itinuturing ang sarili bilang Kristiyano ay maaaring humina at tuluyang bumagsak kung hindi nakasentro kay Kristo ang kanilang buhay.

Hinikayat ni Archbishop Uy ang mga Pilipino na suriin ang kanilang ugnayan sa Panginoon at tanungin kung ang kanilang pananampalataya ay talagang nakaugat kay Hesus.

“We call ourselves the biggest Catholic nation in Asia, but what is happening to our foundations?… Even a country that calls itself Christian can collapse if its foundation is not Christ,” ani Archbishop Uy.

Ayon kay Archbishop Uy, nakalulungkot na bagama’t masigasig ang mga Pilipino sa pagdarasal ng rosaryo, pagdedebosyon, at pagnonobena, hindi ito laging nasasalamin sa kanilang mga desisyon lalo na tuwing halalan.

“We pray the rosary, but during elections, we choose candidates for money, favors, or fear. We love God emotionally, but we do not follow Him in our decisions,” giit ng arsobispo.

Ipinaliwanag ng arsobispo na ang tunay na pananampalataya ay hindi nasusukat sa dami o lakas ng panalangin, kundi sa tapat na pagsunod sa kalooban ng Diyos. Nagbabala rin ang arsobispo na nananatiling sentimental at hindi moral ang pananampalataya ng marami, at binigyang-diin na ang edukasyon na hindi nagbubunga ng pagbabago sa buhay ay pawang impormasyon lamang.

Sa huli, iginiit ni Archbishop Uy na ang isang lipunang nakaugat sa katotohanan at katarungan ay magiging matatag at maunlad.

Kasabay nito, ipinagdasal ng arsobispo tuluyang mawala ang katiwalian sa bansa.

“A nation built on truth will stand; a government built on justice will stand; a Filipino built on God’s word will stand. Lord, make us wise builders… give us courage to reject the sands of corruption, greed, and compromise,” giit ni Archbishop Uy.

Kauna-unahang ‘diocesan synod’, isasagawa ng Diocese of Cubao

 72,715 total views

Pinasalamatan ni Cubao Bishop Elias Ayuban Jr. ang Panginoon sa patuloy na paggabay sa kanyang misyon bilang pastol ng diyosesis, kasabay ng pagdiriwang ng kanyang unang anibersaryo bilang obispo.

Inanunsyo ng obispo na magkakaroon ng kauna-unahang diocesan synod ang Diocese of Cubao sa susunod na taon upang sama-samang suriin ang naging paglalakbay ng lokal na simbahan mahigit dalawang dekada matapos itong maitatag.

“We look forward to the convocation of our first diocesan synod next year,” ani Bishop Ayuban, na iginiit ang pangangailangang pag-ibayuhin ang espiritwal na pag-uusap at pagtutuwang sa misyon ng diyosesis.

Kinilala rin ng obispo ang mga pari, relihiyoso at laykong katuwang niya sa paglilingkod, lalo na sa mga gawaing nagtataguyod ng moralidad at espiritwalidad ng pamayanan.

“With God’s grace and with you walking with me, every step of this journey is worth taking. I know that God still has a lot in store for us in the coming year and beyond,” aniya.

Sa misa, pinarangalan niya ang kanyang ina na si Genara Ayuban, na kamakailan lamang ay pumanaw.

Inihayag ng obispo na ang pagmamahal at pag-aaruga ng kaniyang ina ang humubog sa kanyang bokasyon.

“Every vocation, although it originates in the heart of God, passes through the heart of a mother,” dagdag ni Bishop Ayuban.

Bilang bahagi ng pagdiriwang, nagsagawa ang diyosesis ng gift giving at pagpapakain sa mahigit 200 street dwellers, katuwang ang pribadong sektor sa pamamagitan ng Urban Poor Ministry.

Hiniling ng obispo ang patuloy na panalangin para sa katatagan at biyayang kailangan upang maipagpatuloy ang paglilingkod at maihatid ang diwa ng habag, pag-ibig, at pag-asa sa nasasakupan ng diyosesis.

Walang impunity sa mga magnanakaw-Archbishop Tonel

 46,520 total views

Nanindigan si Zamboanga Archbishop Julius Tonel, vice president ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), na ang Trillion Peso March noong November 30 ay isang makapangyarihang pahayag ng sambayanang Pilipino laban sa korapsyon.

Ayon sa arsobispo, nalulunod na ang bansa sa “baha ng korapsyon,” kaya’t kinakailangang magkaisa ang mamamayan upang hilingin ang pananagutan ng mga opisyal na sangkot sa katiwalian.
“We, Filipino people, did not see the flood of corruption coming. We were drowned. Now is the Advent of judgment. We are drowning because we allowed control systems in our democratic institutions to be compromised,” mariing pahayag ni Archbishop Tonel.

Binigyang-diin ng arsobispo na hindi nagkulang ang Simbahan sa pagpapaalala sa tamang pagpili ng mga pinuno, ngunit madalas ay ipagsawalang-bahala ito ng mamamayan.
Kasama sa kaniyang binatikos ang paglaganap ng political dynasties, na ayon sa kanya ay nag-ugat ng malawakang korapsyon at humadlang sa tunay na paglilingkod bayan.
“We warned you many times. In the many pastoral letters, choose your leaders wisely. But you failed to listen. Political dynasties have eroded our democratic process… fostering corruption, poor governance, and inequality,” aniya.

Nilinaw din ng arsobispo na hindi solusyon ang anumang destabilization plot, pagtatatag ng military junta, o panawagang pagbaba sa puwesto ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa halip, dapat palakasin ang imbestigasyon upang managot ang lahat ng opisyal na sangkot sa katiwalian.

“If the President wants to survive his government, he might as well make a serious call. All public officials, not only the political enemies of President Marcos but also his allies implicated in the flood control scam, must be held accountable,” ani Archbishop Tonel.

Dagdag ng pastol, dapat walang impunity sa mga nagnakaw ng pondo ng bayan sa pamamagitan ng panunuhol at kickback, at panahon na para patibayin ang pagkakaisa ng sambayanan upang mapanagot ang lahat ng nasa likod ng multi-trillion-peso corruption.

“More strongly said: tama na, sobra na, let the justice system work, ikulong na,” dagdag ng arsobispo.

Nakiisa ang 86 na ecclesiastical territories sa ikalawang Trillion Peso March, kung saan nagsagawa ng magkakahiwalay na prayer rally sa kani-kanilang diyosesis.
Pinangunahan naman ni Kalookan Bishop Cardinal Pablo Virgilio David ang misa sa pangunahing pagtitipon sa EDSA People Power Monument.

Epsicopal motto na “synodus”, isasabuhay ng bagong Obispo ng Boac

 40,043 total views

Humiling ng panalangin si Bishop Edwin Panergo upang matugunan ang hamon ng kanyang bagong misyon bilang pastol ng Diocese of Boac.

Batid ng obispo ang taglay niyang kahinaan, subalit nananalig ito na sasamahan ng Diyos sa pagtupad ng tungkulin.

“Mga kapatid, ipanalangin ninyo ako sapagkat ako ay mahina… I know that I am weak. But I know that God is with me,” mensahe ni Bishop Panergo sa kanyang ordinasyon sa St. Ferdinand Cathedral sa Lucena.

Ipinangako ni Bishop Panergo na isasabuhay ang kanyang episcopal motto na Synodus, at hinikayat ang mananampalataya, lalo na ang mga Marinduqueño, na magbuklod bilang simbahang naglalakbay tungo kay Kristo.

“Sama-sama tayo, ngunit hindi lang barkadahan, kundi patungo kay Kristo,” aniya. “Synodality is not synodality kung yung leader lang ang magsasakripisyo; synodality ay synodality kung tayo ang sama-samang magsasakripisyo.”

Binigyang-diin ni Bishop Panergo na ang pagiging sinodal na simbahan ay hindi lamang tungkulin ng obispo at kaparian, kundi ng buong sambayanan.

“Synodality requires discernment, maka-Diyos, maka-tao, maka-kalikasan, at makasimbahan,” dagdag pa ng obispo.

Sa kanyang homiliya, pinaalalahanan naman ni San Pablo Bishop Marcelino Antonio Maralit Jr., dating obispo ng Boac, na ang tunay na lakas ng isang pastol ay nagmumula sa grasya ng Diyos at sa pagiging totoo bilang tao.

“The Church does not need perfect bishops… Our vulnerability is not an obstacle to ministry; it is our best starting point,” ani Bishop Maralit.

Hinikayat din niya si Bishop Panergo na manatiling kasama ng kanyang kawan sa paglalakbay.

“If you remember you are sheep, you will be saved from the temptations of titles and entitlements.”

Pinangunahan ni Lipa Archbishop Gilbert Garcera, pangulo ng CBCP, ang ordinasyon, kasama sina Lucena Bishop Mel Rey Uy at Bishop Emeritus Emilio Marquez.

Dumalo ang mga pari, relihiyoso, at mananampalataya mula sa Lucena, Boac, at iba’t ibang diyosesis.

Pormal na iluluklok si Bishop Panergo bilang ikalimang obispo ng Boac sa December 2.

Makapangyarihan ang sambayanang Pilipino kaysa mga halal na opisyal

 23,427 total views

Nanindigan si Antipolo Bishop Ruperto Santos na mas makapangyarihan ang sambayanang Pilipino kaysa sa mga halal na lider, kaya’t higit kailanman ay mahalaga ang pagkakaisa ng mamamayan.

Sa kanyang mensahe sa Trillion Peso March noong November 30, iginiit ng obispo na dapat papanagutin ang mga tiwaling opisyal ng gobyerno at ang kanilang mga kasabwat upang maibalik ang katarungan sa taumbayan.

“We are not powerless. We are the lifeblood of this nation. We are the voice that cannot be silenced. They must return what they have taken, stand before the courts of justice, and ultimately, face the judgment of God,” pahayag ni Bishop Santos.

Mariin kinondena ng obispo ang “labis na kasakiman” ng mga nasa kapangyarihan na patuloy nagwawaldas sa pondo ng bayan habang ang mga kabataan ay napipilitang mag-aral sa mga silid-aralang sira at binabaha.

Ayon kay Bishop Santos, ang sama-samang paglahok ng mga mamamayan sa Trillion Peso March ay simbolo ng pagtindig para sa bawat karaniwang Pilipino.

“To every Filipino who labors with dignity and pays taxes with hope, the Trillion Peso March is for you… Justice is twisted: the poor are punished swiftly, while the corrupt feast on extravagant meals, untouched by the law,” aniya.

Hinimok din ng obispo ang publiko na magpatuloy sa pakikibaka para sa katotohanan, katarungan, at reporma, habang nananatili sa landas ng kapayapaan.

“Let our voices thunder across the land. Let our unity be our strength. Choose peace. March with purpose. Raise your voice with passion, but act with grace,” dagdag ni Bishop Santos.

Matagumpay ang ikalawang Trillion Peso March na inorganisa ng iba’t ibang sektor, kabilang ang Simbahan.

Nagsagawa rin ng lokal na pagkilos ang 86 na ecclesiastical territories sa buong bansa, kasama ang kani-kanilang parokya.

Pinangunahan ni Kalookan Bishop Cardinal Pablo Virgilio David ang banal na misa sa pangunahing pagtitipon sa EDSA People Power Monument na dinaluhan ng libu-libong mananampalataya.

Scroll to Top