44,127 total views
Mga Kapanalig, bahagi na ng kulturang Pilipino tuwing Pasko ang noche buena. Naghahanda tayo ng espesyal na pagkain—kahit simple lang—para ipagdiwang ang kapanganakan ng ating Tagapagligtas.
Kayo, magkano ang inilalaan ninyong budget para sa handaang ito? Ayon kay Department of Trade and Industry (o DTI) Secretary Cristina Roque, mairaraos ng isang pamilyang may apat na miyembro ang noche buena sa halagang limandaang piso. Sinabi niya ito kasabay ng paglalabas ng DTI ng price guide para sa mga karaniwang noche buena items. Bumaba raw kasi ang presyo ng mga pang-noche buena gaya ng hamon at spaghetti sauce. Inilatag ang gabay bilang pagsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking may mga murang mapagpipilian ang mga mamimili ngayong Kapaskuhan.
Anong reaksyon ninyo rito?
Para sa marami, hindi lang ito simpleng miscalculation o maling pagkukuwenta. Malinaw na pagkalayô ito sa realidad, lalo na sa panahong kabi-kabila ang isyu ng korapsyon at pagwawaldas ng pondo ng bayan. Sa gitna ng bilyun-bilyong pisong nawawala at ng marangyang pamumuhay ng nasa kapangyarihan, ang pagsasabing kakasya ang limandaang piso para sa noche buena ay tila insulto sa mga kababayan nating araw-araw na kumakayod.
Pero sa halip na kilalanin ang damdamin ng publiko, ipinagpilitan pa ni Secretary Roque na “talagang posible” ang limandaang pisong handa. Sinang-ayunan pa ito ni Malacañang Press Officer Claire Castro na nagsabing depende raw kasi ito sa bibilhin natin. May mga pre-packaged o bundled items daw na pasók sa limandaang pisong budget.
Sa usaping ito, ang problema ay hindi talaga kung kakasya ang limandaang piso. Ang mas problema ay ang tila pagsasabing tao ang may kakulangan. Para bang sinasabi sa atin, “Hindi lang kayo marunong mag-budget,” o “Masyadong magarbong handaan ang gusto ninyo.” Mapanganib ang ganitong pag-iisip dahil imbes na tiyakin ng gobyernong abot-kaya ang mga pangunahing bilihin, pinalalabas na tayo ang kailangang mag-adjust at magtiis. ‘Ika nga, matuto raw mamaluktot kung maikli ang kumot.
Sa halip na pagdebatehan kung paano pagkakasyahin ang limandaang piso para sa noche buena, mas mahalaga ang pagtuon sa kung ano ang dapat gawin ng gobyerno upang itaguyod ang dignidad at kabuhayan ng mga Pilipino nang maipagdiwang naman natin ang isa sa pinakamasayang okasyon para sa atin. Binanggit ni Akbayan Reprepresentive Perci Cendaña ang pangangailangan na aprubahan agad ang dalawandaang pisong dagdag-sahod Ganito rin ang punto ni Gabriela Representative Sarah Elago. Aniya, dapat solusyunan ng pamahalaan ang mataas na presyo ng bilihin at mababang sahod na hindi nakakasabay sa tunay na pangangailangan ng pamilya.
Habang papalapit ang pagdating ni Hesus ngayong Adbiyento, tinatawag tayong magnilay sa Kanyang kapanganakan at ang hamon nito sa ating buhay. Ang paghahanda sa Kanyang pagdating ay nangangahulugang pagtatrabaho para bumuo ng isang mas makatarungang lipunan. Pero saan nga ba ang katarungan sa sahod na hindi sapat para sa pang-araw-araw na pangangailangan?
Pinaaalalahanan din tayo ni Pope Francis: “It’s always the poor who pay the price of corruption.” Kaya isang paraan para labanan ang korapsyon ay ang tunay na paglilingkod sa kapwa. Ipanalangin natin na ang ating gobyerno ay maging makatarungan at maglingkod nang tapat, kaysa sa “[humingi] ng suhol sa mga taong matuwid, at [ipagkait] sa mahihirap ang katarungan,” gaya ng mababasa natin sa Amos 5:12.
Mga Kapanalig, sa halip na tanungin kung kaya ba natin pagkasyahin ang limandaang piso para sa noche buena, mas dapat itanong: bakit ipinahihiwatig ng gobyerno na nasa atin ang problema? Responsabilidad ng pamahalaan na tiyaking abot-kaya ang mga pangunahing bilihin, hindi lang sa darating na Pasko kundi araw-araw. Dapat may sapat na sahod ang mga manggagawa, at hindi ang mamamayan ang bumubuhat sa kakulangan ng pamahalaan.
Sumainyo ang katotohanan.




