9,018 total views
Inaanyayahan ng Kanyang Kabanalan, Pope Leo XIV, ang bawat mananampalataya na patuloy na ihanda ang kanilang puso para sa isang mas malalim na pakikipagtagpo at pagtanggap kay Hesus.
Sa kanyang patuloy na katesismo para sa Taon ng Hubileyo na may temang “Christ our Hope,” binigyang-diin ng Santo Papa ang kahalagahan ng pusong laging bukas at handa sa presensya ng Panginoon.
“We must prepare our hearts through concrete acts of love, forgiveness, and self-giving,” wika ni Pope Leo XIV.
Ipinaliwanag ng santo papa na ang tunay na pag-ibig—tulad ng pagpapakasakit ni Hesus ay hindi isang aksidente, kundi isang malayang pasya na ialay ang sarili para sa iba.
Tinuran ni Pope Leo na ang puso ng bawat isa ay parang isang silid-itinatagpo, isang lugar na pinili at inihanda ng Panginoon upang Siya’y manahan.
“Our own hearts, chosen and set aside by the Lord as a place of encounter with Him,” aniya.
Paggunita sa Hiroshima at Nagasaki
Samantala, ginunita rin ng punong pastol ng Simbahan ang ikawalong dekadang anibersaryo ng atomic bombing sa mga lungsod ng Hiroshima at Nagasaki sa Japan, na naganap noong Agosto 1945. Mahigit 100 libong katao ang nasawi sa nasbing trahedya.
Ipinahayag ng Santo Papa ang kanyang pakikiramay sa lahat ng biktima at kanilang mga pamilya, at muling nanawagan laban sa paggamit ng mga sandatang nukleyar.
“Those tragic events constitute a universal warning against the devastation caused by wars and, in particular, by nuclear weapons. I hope that the illusory security based on the threat of mutual destruction may give way to the tools of justice,” saad ni Pope Leo.
Nanawagan din ito ng pandaigdigang pagkakaisa sa kabila ng mga tensiyon at alitan sa kasalukuyang panahon. Aniya, ang dayalogo at pagkakapatiran ang dapat manaig bilang daan tungo sa tunay na kapayapaan.
“Let us replace the threat of mutual destruction with dialogue and trust in fraternity,” giit ng Santo Papa.
Sa kabuuan, muling hinikayat ni Pope Leo XIV ang mga mananampalataya na maging aktibo sa paghahanda hindi lamang para sa taunang pagdiriwang ng Hubileyo kundi para sa araw-araw na pagtanggap kay Kristo—sa puso, sa kapwa, at sa mundo.