319 total views
Itaguyod ang integridad ng kalikasan at karapatang pantao sa darating na halalan 2016.
Ito, ayon sa Ecological Justice Interfaith Movement, ang layunin ng Green Thumb kasabay ng paalala ni Bro Angel Cortez, OFM – NCR coordinator ng EcoJIM sa mga botante na ang matalino at luntiang pagboto ay ang pagpagpapahalaga sa bawat nilalang sa mundo.
Dagdag pa ni Cortez, bukod sa kalikasan dapat isaalang-alang din ang karapatang pantao na kasabay na naaapakan tuwing naabuso ang kapaligiran.
“Ang agenda ng green thumb ay ang integridad ng san nilikha at ang karapatang pantao, Ito ay ang pagboto na alalahanin na hindi lamang tayo ang nabubuhay sa mundo kundi ang lahat ng nakikita natin sa himpapawid sa karagatan, sa ibayong dagat, sa bundok, lahat ng ito ay parte ng ating pagboto.” bahagi ng pahayag ni Bro. Angel Cortez sa Green Thumb Campaign.
Sa ika 17 ng Marso, ilulunsad ang Green Thumb Campaign sa Batangas upang himukin ang mamayan sa isang matalino at luntiang pagboto.
Una nang inilunsad ang kampanya sa Palawan at Zambales kung saan laganap ang pang-aabuso sa kalikasan dahil sa mga pagmimina at operasyon ng mga coal Fired Power Plants.
Tinatayang humigit-kumulang 6,000 mamamayan ang nakiisa sa Green Thumb Campaign sa Palawan habang may 1,200 naman sa Zambales.
Sa Laudato Si ni Pope Francis, inihayag nitong ang lahat ng tao ay maaaring makibahagi at maging instrumento ng Panginoon sa pagpapakita ng pangangalaga sa kalikasan batay sa ating sariling kultura, karanasan, at talento.