341 total views
Nanawagan ang Association on Major Religious Superiors of the Philippines sa mga botante na pumili ng mga kandidatong may puso para sa mga mahihirap at nangangailan upang tunay na masolusyunan ang mga usaping nagpapahirap sa mga mamamayan.
Ipinaliwanag ni Sr. Cres Lucero, SFIC, national coordinator ng AMRSP at National Justice, Peace and Integrity of Creation Commission Coordinator ang interes at mga aspektong nakakaapekto sa mga mamamayan o pagkamit sa “Common Good” ang nararapat na bigyang prayoridad ng mga kandidato sa halip na ang sariling interes sa kapangyarihan.
“Marami pa talagang mga kababayan ang ating kapwa tao na talagang inaagawan ng buhay, pinapatay, kinukulong, tinu-torture at marami parin talaga ang hindi kumakain ng sapat, maraming mga batang ipinapanganak at lumalaki na malnourished ito yung sana mga issue ng tao, mga kalagayan talaga ng ating mamamayan ang pakinggan ng mga kandidato at piliin natin yung mga kandidato na silang may puso para sa mga mahihirap at naghihikahos, yung sila hindi yung interes nila o interes ng kanilang pamilya ang nauuna kundi yung interes ng mga mahihirap na sana ay magkaroon rin ng progreso ng ating bayan na isang progreso na hindi lang para sa iilan kundi para sa lahat, yung sinasabi nating Common Good ng para sa nakararami..” pahayag ni Sister Lucero sa Radio Veritas
Kaugnay nito, batay sa Commission on Election Resolution No. 10002, mayroong 18,083 posisyon ang bukas para sa panunungkulan at pamumuno ng mga bagong lider na maihahalal ngayong darating na May 9 – National at Local Elections, kabilang na ang posisyon sa pagkapangulo, pangalawang pangulo, 12 senador, 59 na partylist representatives at higit 18-libong posisyon sa lokal na pamahalaan.
Sa panlipunang katuruan ng simbahan, sinasabing ang pag-unlad sa ekonomiya ng bansa ay kinakailangang maging pangunahing konsederasyon ang pag-alwan ng buhay ng mga mahihirap at pagtiyak sa panlipunang katarungan at benepisyo ng pantay-pantay upang lumiit ang pagitan ng mahirap at mayaman. Sa tala, tinatayang aabot sa 4.3-milyong mahihirap na pamilya ang beneficiaries ng Conditional Cash Transfer Program o Pantawid Pamilyang Pilipino Program na pinaglaanan ng pamahalaan ng 62.3-bilyong pisong pondo ngayong taon.