199 total views
Nararapat na tutukan ng mga kandidato ang lahat ng sector sa lipunan lalo na ang Person With Dissabilities o P-W-Ds upang tunay na matugunan ang mga usaping nakakaapekto sa mga mamamayan.
Ito ang panawagan ni Manuel Agcaoili – Chairman nang Alyansa ng may Kapansanang Pinoy sa isinagawang Senatorial Forum sa Ateneo De Manila University bilang kinatawan ng may mga kapansanan o Person with Disabilities.
Paliwanag ni Agcaoili, isa ang sector ng mga may kapansanan sa mga naisasantabi at hindi tunay na nabibigyang pansin sa lipunan sa kabila ng kanilang tunay na pangangailangan ng ayuda at proteksyon mula sa pamahalaan.
Iginiit ni Agcaoili, ang pagbibigay ng naaangkop na edukasyon para sa mga may kapansanan ang isa sa mga dapat pakatutukan ng mga pinuno sa ating bayan.
Paliwanag ni Agcaoili, nararapat na tutukan ang pagbibigay ng espesyal na edukasyong tututok at magbibigay pansin sa mga may kapansanan partikular na ang mga kabataang nasa edad 5 hanggang 19 na taong gulang, upang magkaroon parin ng sapat na kaalaman at kakayahan kabilang ng kanilang kalagayan medikal.
Nasasaad sa Republic Act 7277, o Magna Carta for Disabled Persons na may mga natatangging benipisyo at prebelehiyo ang mga Person with Disabilities na nararapat tupdin at isaalang –alang sa lipunan tulad na lamang nang nasa 20-porsyentong diskwento sa mga serbisyo at bilihin sa merkado.
Samantala, batay sa tala noong 2010 Census, mayroong higit sa 1.4 na milyon ang bilang ng mga PWD’s o mga Pilipinong may iba’t ibang kapansanan na katumabas ng 1.57-porsyento sa kabuuang populasyon sa bansa.
Sa bilang na ito, tinatayang mayroong aabot sa 365-libo ang registered PWD voters na lumahok sa mid-term election noong 2013.
Ayon sa Centesimus Annus, isang panlipunang turo ng ating Simbahang Katolika mula kay Saint John Paul II, ang mga nagpapalakad ng estado ay kailangang siguraduhin na lahat ng miyembro ng komunidad at lahat ng parte nito ay protektado… dahil nasa kamay ng mga nagpapatakbo ng estado ang pangangalaga ng kapakanan ng publiko.