199 total views
Nakiisa at pinangunahan ni Manila Archbishop at Caritas Internationalis President Luis Antonio Cardinal Tagle ang assembly ng Pontifical Council Cor Unum para ipagdiwang ang ika-10 taon ng encyclical ni Pope Benedict XVI na Deus Caritas Est o God is Love.
Binigyan diin ni Cardinal Tagle sa isang panayam na ang Deus Caritas Est ay nagsisilbing gabay ng simbahan sa mahahalagang ministeryo nito tulad ng Ministry of the Word , Ministry of the Sacraments at Ministry of Charity.
Ayon kay Cardinal Tagle, ang tatlong mahahalagang ministeryo na ito ng simbahan ay dapat nakaugat sa pagmamahal ng Diyos o God’s Love.
Tinukoy ni Cardinal Tagle ang pahayag ni Pope Francis na ang mundo ngayon ay nangangailangan ng pagmamahal upang magkaroon ng isang makatarungan na lipunan para makapamuhay ng maayos ang tao.
Inamin ng Cardinal na ito ang hinihingi at malaking hamon sa simbahan na ibahagi at ipadama ang pagmamahal sa pamamagitan ng mga charitable activities.
Iginiit ni Cardinal Tagle na ang tunay na pagkakawanggawa ng simbahan ay pagpapakita na ito ay tunay na komunidad ng pagmamahal at hindi lamang makatulong sa nangangailangan.
Kasabay nito ang pagkundena ng Kardinal sa mga pagkakawanggawa na may kasamang pagyayabang at pagmamalaki na hindi tugma sa tunay na diwa ng pagtulong sa kapwa.
Inihalintulad ni Cardinal Tagle ang Caritas Internationalis na kanyang pinamumunuan na magiging epektibo lamang kung magkakaroon ng paghuhubog ng puso at paghanap ng ibat ibang resources upang maibigay ang tulong sa mga nangangailangan sa buong mundo.
Ang 160 member Caritas Internationalis ang tunay na tumutulong at nagbibigay pag-asa sa mga nangangailangan sa buong mundo na nagsimula noong 1897 sa Germany hanggang maitatag ito noong 1951 na pinamunuan sa unang pagkakataon ng Kardinal mula sa Pilipinas o kauna-unahan sa mga Obispo sa buong Asya. (Riza Mendoza)