196 total views
Kinatigan ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani ang naging pahayag ni Manny Pacquiao ukol sa paninindigan nito sa usapin ng same–sex marriage.
Pinayuhan ni Bishop Bacani ang mga lesbian, gay, bisexual and transgender o LGBT community na unawain ng mabuti ang pagpapakahulugan ni Pacquiao sa binitawan nitong komento.
“Marahil yung kanyang pagkakasabi baka nakasakit sa mga ibang tao pero yung mga nasaktan itanong din naman nila na yung gustong sabihin ni Manny ay totoo ba o hindi. Hindi naman sila itinutulad sa mga hayop, binibigyan lang ng contrast. Ang sinasabi lang ni Manny Pacquiao dapat na huwag tutularan o dapat yung hindi ginagawa ng mababang uri ay huwag ng sisikaping gawin ng mas matataas na uri. Ang tingin ko kinikilala ni Manny Pacquiao ang mga nag–aadvocate sa same–sex marriage na kilalanin na iba sila sa mga hayop,” paglilinaw ni Bishop Bacani sa Radyo Veritas
Nanindigan rin si Bishop Bacani na kailanman ay hindi hinuhusgahan ng Simbahan ang mga LGBT kundi itinatama lamang ang kanilang maling ginagawa.
“Ang paninindigan ng Simbahan maliwanag din naman na hindi hinuhusgahan, ang sabi ay mali yan. Kapag ginawa mo hindi ka naman hinahatulan na ikaw ay masamang tao pero hindi tama. Iyon ay hindi masamang lihim. Kung hindi tama, hindi tama. Hindi panghuhusga dun sa gumagawa kundi panghuhusga sa hindi tamang ginagawa. Sabi nga, mahalin mo ang makasalanan ngunit ang kasalanan itakwil mo,” paliwanag pa ng Obispo sa Veritas Patrol
Nabatid batay sa inilabas na pag – aaral ng Pew Research Center sa Estados Unidos na pinamagatang “The Global Divide on Homosexuality,” naging ika–10 ang Pilipinas sa 17 bansa na kinikilalang “gay–friendly country” sa buong mundo.