208 total views
Naniniwala ang Catholic Bishops Conference of the Philippines- Episcopal Commission on the Youth na kakulangan ng pagtutulungan ng mga ahensiya ng pamahalaan ang dahilan ng patuloy na pagdami ng mga gumagamit ng illegal drugs sa bansa.
Ayon kay Father Kunegundo Garganta, executive secretary ng CBCP-ECY, kakulangan ng matibay na ugnayan ng ibat-ibang ahensiya na may kinalaman sa pagsugpo sa illegal drug trade sa bansa ang dahilan ng laganap na problema.
“Yung pangangailangan na pagtibayin ugnayan ng iba’t ibang ahensiya o departamento masyadong very loose yung ugnayan, so coordination ng ating iba-ibang ahensiya halimbawa na lamang yung usapin tungkol sa gamit ng pag-issue ng plaka ang id para sa mga motorista para sa drivers parang naglalaro ng pingpong ang ating iba ibang ahensiya na may kinalaman dito kaya hindi makakuha ng isang malinaw na pasya o sagot para maibigay yung tamang sagot at solusyon doon sa suliranin at ang nahihirapan ay yung taong handa namang na sila ay magbayad o tuparin ang kanilang tungkulin.”paliwanag ni Father Garganta sa Radio Veritas.
Sinabi ng pari na bunsod ng kawalan ng sistematikong ugnayan sa pagitan ng mga ahensiya ng gobyerno ay nakakalusot ang mga masasamang gawain.
Ikinalulungkot ni Father Garganta na karamihan sa mga krimen na nangyayari sa bansa ay dulot ng ipinagbabawal na gamot o drug addict ang mga gumawa ng krimen.
Kaugnay nito, hinikayat ng pari ang mga kabataan na isama sa kanilang mga panalangin ngayong taon ng awa at habag ng Diyos ang makaligtas na malayo sa ipinagbabawal na gamot.
Base sa datus ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA, 92-porsiyento ng mga barangay o 8,000-libong Barangay sa Metro Manila ay mayroong kaso ng paggamit ng illegal na droga.