225 total views
Muling hinimok ng Gunless Society of the Philippines ang mamamayan na makiisa sa panawagan sa Commission on Elections at Philippine National Police na ipatupad ang Total Election Gunban sa buong bansa ngayong panahon ng halalan.
Giit ni Nandy Pacheco – founder ng Gunless Society of the Philippines, hindi tunay na magiging epektibo ang naturang panukala kung patuloy rin naman mabibigay ng exemption ang kumisyon dahil sa pagbibigay ng pabor sa ilang personalidad, sibilyan at maging mga kandidato.
“Ako po ay nananawagan sa COMELEC at inaanyayahan ko rin ang ating mga kababayan na kung gusto ng kapayapaan ay manawagan rin sa COMELEC na sa panahon ng halalan ay ipagbawal ang pagdadala ng baril ng sinuman at huwag silang magbigay ng exemption dahil sa batas, ayon sa batas, kapag may Eleksyon mayroong Gun ban maganda yan, subalit bakit maraming exemption ang ibinibigay, sana walang exemption..” Ang bahagi ng pahayag ni Pacheco sa panayam sa Radio Veritas.
Giit pa ni Pacheco, mahalagang maipatupad ang naturang batas ng walang kinikilingan upang tuluyang mabawasan ang karahasan at krimen tuwing panahon ng halalan.
Kaugnay nga nito, sa kabila ng pagpapatupad ng Comelec Election Gunban mula noong ika-10 ng Enero ay patuloy pa rin ang mga krimen at paglabag sa panukala.
Sa tala ng PNP, nasa 1,602 ang naaresto at naitalang paglabag sa Gun Ban habang nasa 1,194 ang nakumpiskang mga armas at iba pang uri ng firearms kabilang na ang higit 15,000 iba’t ibang deadly weapons tulad ng mga patalim, replika ng baril at granada.
Batay nga sa Republic Act No. 7166, mandato ng Comelec, ang pagkakaroon ng malinis, tapat at payapang eleksyon sa bansa malayo sa kaguluhan at karahasan.
Noong 2013, ayon sa PNP umabot sa 81 ang kaso ng election-related violence sa buong bansa mas mababa kumpara 176 na kaso ng karahasan kaugnay ng halalan noong 2010.
Samantala, nananawagan rin ang Simbahang Katolika sa pagtiyak ng pagkakaroon ng mapayapang halalan upang magkaroon ng kalayaan ang bawat mamamayan na bumoto at magdesisyon sa kung sino ang tunay na lider na makatutulong sa pagpapaunlad ng buong bayan.