169 total views
Hinimok ni Father Benny Tuazon, Minister on Ecology ng Archdiocese of Manila ang mga mananampalataya na mag-sakripisyo para sa ikabubuti ng kalikasan ngayong mahal na araw.
Ayon sa pari, sa pamamagitan ng hindi pag-aaksaya at paggamit ng wasto sa mga likas na yaman ay mas mapayayabong ng tao ang kalikasan.
Ipinaliwanag ni Father Tuazon na disiplina sa sarili ang kinakailangan upang maayos na maitaguyod ng bawat isa ang pagiging katiwala ng sanlibutan.
“Kailangan talaga natin ngayon mag sakripisyo, kase parang kung kumilos tayo ngayon parang ang enerhiya, o ang mga bagay ay hindi mawawala, parang hindi mauubos, pero kapag marunong tayong mag disiplina sa sarili magagamit natin itong kaloob ng Diyos ay the same time, ito’y maitataguyod natin.” pahayag ni Fr Tuazon sa panayam ng Radyo Veritas
Iginiit ni Father Tuazon na sa pamamagitan ng disiplina o pagkontrol sa sarili at pagbabago ng lifestyle ay mapipigilan ang tuluyang pagkawasak ng daigdig dahil sa epekto ng Climate Change.
Base sa 2014 World Risk Report, sa buong mundo ay pangalawa ang Pilipinas sa mga bansang pinaka naaapektuhan ng climate change.
Sang-ayon sa Laudato Si ni Pope Francis, ang mga mahihirap na bansa tulad ng Pilipinas ang pinakamahina at unang naaapektuhan ng mga pagbabagong nagaganap sa ating kalikasan.