175 total views
Hinimok ng Catholic Bishop Conference of the Philippines Episcopal Commission on Youth ang mga kabataan na gumawa ng konkretong mga gawain para sa pagdiriwang ng Year of Mercy.
Ipinaliwanag ni Father Kunegundo Garganta, executive secretary ng komisyun sa mga kabataan na isang konkretong paglahok sa mga corporal works of mercy ay ang pagsuporta sa Alay Kapwa program ng mga parokya.
Sinabi ng pari na sa pamamagitan nito ay makapagbigay ng tulong ang mga kabataan sa mga tunay na nangangailangan.
“Sa year of mercy, yung corporal works of Mercy ay paanyaya, pagpapakita ng malasakit sa kapwa lalu na sa mga tunay na may pangangailangan nito. Hindi tayo nagkukulang ng pagkakataon upang magpakita talaga ng malasakit sa kapwa, sa mga kapos sa pagkain, damit na kinakailangan ang paglahok ng mga kabataan,” pahayag ni Father Garganta
Ang Alay Kapwa program ng Simbahang Katolika ay nagbibigay ng assistance para sa mga naapektuhan ng ibat-ibang kalamidad at social services sa mga mahihirap.
Isinasagawa ang programa tuwing kuwaresma para makalikom ng pondo.
Noong December 2015, ginamit ng Simbahan ang 3.6-milyong pisong Alay Kapwa funds para tugunan ang pangangailangan ng 57-libong mamamayan na naapektuhan ng pananalasa ng Bagyong Nona.