156 total views
Hinimok ng CBCP Episcopal Commission on the Laity ang mga mananampalataya na kumilos at mag-ingay na hinggil sa usapin ng mga pasugalan sa bansa gaya ng casino.
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng komisyon, dapat na ring bantayan ang operasyon ng malalaking pasugalan na sumisira sa kinabukasan ng pamilya at maging ng lipunan.
Dagdag ng obispo, kailangang bantayan ito lalo na at sa casino idinadaan ang mga dirty money papasok at palabas ng bansa.
“Adbokasiya nating lahat ang labanan ang casino, nakakasira sa pamilya, sa moral values at ginagamit para maipasok at mailabas ang kanilang pera, ang Simbahan, tayo mga ang tumututol kapag nagbubukas ang mga casino, s-o-p na kasi kapag may malaking hotel may caisno na, dapat nating tutulan, kailangan ng maingay ang mga lay faithful natin dapat imonitor ang mga ginagawa ng mga casino.” Pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Radyo Veritas.
Kaugnay nito, labis namang naawa ang obispo sa mamamayan ng Bangladesh dahil pera ng mamamayan nito lalo na ang mahihirap ang ninakaw sa kanila sa pamamagitan ng electronic theft o hacking at dinala sa mga casino sa Pilipinas.
Ayon kay Bishop Pabillo, ang mahihirap na bansa ang bini-biktima ng mga sindikato lalo na at wala silang maayos na sistema sa usapin ng technology maliban pa sa maraming palusot o under the table.
“Hard-earned money ng poor people ng Bangladesh, talagang kawawala sila, mahirap na bansa tapos sila pa bibiktimahin talagang sila ang tinitira dahil hindi maayos ang kanilang sistema na may palusot kaya yun mga binibiktima nila.” Ayon pa sa obispo.
Ayon sa ulat, ang $81-milyon ay ninakaw sa pamamagitan ng hacking mula sa Bangladesh government at inilagak ang salapit sa Pilipinas sa iba’t-ibang account ng casino sa pamamagitan ng Rizal Commercial Banking Corp. (RCBC) na naging dahilan upang mag imbestiga ang Senate Blue Ribbon Committee kung saan hindi naman nila nakuha ang nais na detalye mula sa mga nasasangkot na personalidad dahil na rin sa Bank Secrecy Law.