290 total views
Nanawagan si Dr. Benito Molino – Head ng Concerned Citizen ng Sta Cruz Zambales na itigil na ang pagmimina sa kanilang lugar dahil sa kalunos-lunos na sinapit ng komunidad.
Inihalintulad ni Molino ang kasalukuyang kalagayan nito sa puro galos na mangga na mula sa kamay ng mga mining companies na walang tigil sa operasyon sa kabila ng hinaing ng mga mamamayan.
“Kung ang mangga ng Zambales ay makinis dati, ang mangga ng Zambales ngayon ay panay galos. Panay galos dahil ang aming mga kabundukan, ang aming mga karagatan, ang aming mga katubigan lahat po ito ay nickelado na. Ang aming mga sakahan, palaisdaan ang mga ito ay meron nang lahat laterite at hanggang sa karagatan may mga laterite. So ang ibig kong sabihin dito, although nakapagbigay ng trabaho ang mga mining companies mas marami naman ang mga pamilyang naperwisyo dahil nawalan ng trabaho ang mga magsasaka, ang mga mangingisda ang nagpapalaisdaan, at mga anak nila ang nagdusa.” Pahayag ni Molino sa Radyo Veritas.
Dahil dito inihayag ni Molino na magsasampa ang kanilang mamamayan ng Writ of Kalikasan upang hilingin sa Supreme Court na kanselahin ang mining permit at tuluyan nang matigil ang apat na kumpanyang nagmimina sa kanilang bayan.
Sa ika-19 ng Marso, kung babalewalain ng korte ang kanilang habla para sa karapatan ng mga residente, magpapakalbo ang kanilang grupo bilang pagpapakita ng pagkadismaya at pagprotesta sa mabagal na pagkilos ng National Government.
Dagdag pa ni Molino, kung wala pa ring pagkilos ang pamahalaan, magsasagawa naman ang kanilang grupo ng Hunger Strike sa ika-26 ng Marso, upang manawagan na ang suliranin ng Sta. Cruz Zambales, ay suliranin na din ng buong Pilipinas.
Dahil aniya, kapag pinahintulutan ang ganitong kapabayaan, ibang lalawigan naman ang muling wawasakin ng mga higanteng kumpanya ng pagmimina.
Taong 2006 nang magsimula ang pagmimina ng Nickel at Chromite sa lalawigan, bumaba ang kita ng mga residenteng tanging sa agrikultura lamang umaasa.
Bukod dito, tumaas din ang naiulat na bilang ng mga nagkakasakit ng hika at iba pang respiratory at skin diseases dahil sa 200 hanggang 300 mga truck na naglululan ng nickel at lupang may laterite na dumadaan ng dalawa hanggang tatlong beses sa isang araw sa mga komunidad.
Sa ulat ng CEC Philippines apat na kumpanya ng minahan na may Mineral Production and Sharing Agreement (MPSA) ang patuloy na nagsasagawa ng operasyon sa 12,000 hektaryang lupain ng munisipalidad.
Ito ang Zambales Diversified Mining Corp. (ZDMC) na pagaari rin ng DMCI Mining Corporation, Filipinas Mining na pagaari rin ng LnL Archipelago Mining Incorporated, Benguet Nickel Mining Inc., at Eramen Minerals Corp.
Ayon sa CEC Philippines dinadala sa China at dito pinoproseso ang mga Chromite, Nickel at iba pang lupang mayaman sa mineral.
Sa Ensiklikal na Laudato Si, pinuna ni Pope Francis ang hindi makatarungang gawain ng mga multinasyonal na kumpanyang mula sa mga maunlad na bansa o First Wolrd Countries.
Aniya pagkatapos ng kanilang mga aktibidad, sa kanilang paglisan ay nag iiwan sila ng malalaking pasanin sa mga tao at sa kalikasan tulad ng kawalan ng trabaho, mga bayang inabandona, pagkaubos ng likas na pagkukunan, pagkakalbo ng kagubatan, pagkalugi ng agrikultura at paghahayupang lokal, mga bukas na hukay, uka-ukang burol, maruruming ilog at maliliit na serbisyong panlipunan na hindi na maaaring mapagpatuloy.