183 total views
Nangangahulugan ng pagtaas ng antas ng interes ng mga migranteng mangagagawa sa ibayong dagat na makilahok sa nakatakdang halalan ang pagtaas ng bilang ng mga registered overseas voters para sa nakatakdang May 9 – National at Local Elections.
Ito ang nakikitang dahilan ni Engr. Francisco ‘Jun’ Aguilar – Pangulo ng Filipino Migrants Workers Group sa 100 porsyentong pagtaas sa bilang ng nagpatala ngayong taon, kumpara noong 2015 kung saan mahigit 400-libong OFW ang mga bagong rehistradong botante.
“This is a welcome development with us na considering na over the last elections ay we never met even yung 1 million target but this time we surpass the target of 1 million and even achieve yung 1.4 million na registered voters, so ang ibig lang sabihin nito ay mas mataas ang antas ng interes ng mga migranteng manggagawa sa ibayong dagat sa pagpa-participate sa election…” pahayag ni Aguilar sa Radio Veritas.
Paliwanag pa ni Aguilar, nangangahulugan lamang ito na mas maraming OFW sa kasalukuyan ang naniniwalang kinakailangang makialam sa paglalagay ng mga taong karapat dapat sa posisyon na hindi lamang makakaapekto sa kanilang kapakanan kundi maging sa pang-araw araw na pamumuhay ng kanilang mga pamilyang naiwan sa bansa.
Batay sa pinakahuling datos ng Commission on Elections, umabot sa higit 1.38 milyon ang registered overseas voters mula sa iba’t ibang bansa, kung saan 1.32-milyon dito ay mga land-based voters habang higit 49-na-libo naman ang mga seafarers.
Ayon Department of Foreign Affairs – Overseas Voting Secretariat, ito na ang maituturing na isa sa pinakamaraming bilang ng mga botanteng nagpatala sa kasaysayan ng mga rehistradong Overseas Voter kung saan noong 2013-midterm elections ay mayroon lamang higit sa 700-libong OFW ang nakilahok sa halalan.
Una na ngang binigyang diin ng CBCP- Episcopal Commission on Migrants and Itenerant People ang halagahan ng mga OFW sa lipunan at kanilang malaking ambag sa paglago ng ekonomiya ng bansa.
Kaugnay nga nito, batay sa pagtataya ng Bangko Sentral ng Pilipinas sa pagtatapos ng 2015 tumaas pa ng 3.6 na porsyento ang OFW cash remittance na umabot sa 22.83-billion dollars kumapara sa 22.08-billion dollars noong 2014.