277 total views
Binalaan ng CBCP – Episcopal Commission on the Laity ang mga paaralan na naniningil ng mga graduation fees sa kanilang mga estudyanteng magsisipagtapos.
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity na dapat ikunsidera ng mga eskwelahan ang mga estudyanteng mahihirap na hindi kayang makapagbayad nito.
Paalala pa ng Obispo na hindi naman kinakailangan ng magarbong graduation ceremony dahil mas mahalaga na nakapagtapos ang mga mag – aaral at haharapin ang bagong kabanata ng kanilang buhay.
“Dapat tingnan rin ng pamahalaan na ang graduation ay sana ay hindi maging gastos na na naman lalong – lalo na sa mga mahihirap na estudyante. At ang masama pa ang mga graduation fee na hinihingi nila ay hindi naman yung kailangan talaga sa pag – aaral. Hindi naman basic yung kanilang graduation ball, yung kanilang mga sinusuot masyado ng sobra, mga picture taking, mga booklet nila, masyado nang mataas dapat isaalang – alang nila yung kakayahan ng mga nakararaming estudyante na mahihirap,” bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo sa Veritas Patrol
Bagamat, ipinagbabawal ng Department of Education o DepEd sa mga paaralan ang pangongolekta ng graduation fee nakapagtala pa rin ang DeTXT Action Center ng DepEd ng 200 reklamo.
Muli namang pinaalalahanan ng DepED ang mahigit 40- libong public schools sa bansa na gawing simple at hindi magarbo ang mga graduation rites sang-ayon sa nakasaad sa DepED Order No. 8 Series of 2005.