201 total views
Ikinatuwa ni Archdiocese of Cotabato Auxiliary Bishop Jose Colin Bagaforo ang nauna ng pagtutol ni Pope Francis sa pagtanggap ng mga donasyon sa mga parokya na nagmumula sa dirty money o mga maruruming pera tulad ng korapsyon at pasugalan.
Pahayag ni Bishop Bagaforo na naging malinaw na ang katayuan ng Simbahan ukol sa mga benefactors nito na ginagamit ang simbahan upang samantalahin sa pagbibigay ng limos na nagmumula naman sa masamang pamamaraan.
“We are happy about it because the Holy Father was able to articulate what we had been saying in the past lalo na dito sa Pilipinas na huwag tayong tumaggap ng donasyon o ng mga pera na nanggaling sa mga masamang mga kamay at sa masamang pamamaraan. Natutuwa tayo dahil ipinahayag ng Santo Papa na ang black and white ang katayuan ng ating simbahan,” bahagi ng pahayag ni Bishop Bagaforo sa Radyo Veritas.
Malaking hamon rin ang nakikita ni Bishop Bagaforo upang isakatuparan ang naging panawagang ito ng Santo Papa sa mga obispo at kaparian sa bansa na huwag tanggapin ang mga donasyon ng ilang mga benefactors na sangkot sa mga pasugalan at korapsyon.
“Warning na rin at panawagan na rin sa ating mga leaders sa simbahan at pangalawa sa mga benefactors natin na magbibigay ng tulong in the hope that they would be able to influence the leadership of the church and the hope that they would be able to influence the members of the church sa pamamagitan ng masamang paraan at hindi tamang pag – donate ng pera para sa simbahan,” giit pa ni Bishop Bagaforo sa Veritas Patrol.
Nabatid naman na nanganganib na malagay sa blacklist ng Financial Action Task Force o FATF ang Pilipinas kung mabibigo ang kongreso na amyendahan ang Anti-Money Laundering Law.
Kasunod ito ng nabunyag na $100 milyong o P5 bilyon ng hinihinalang ‘dirty money’ ang nalinis sa pamamagitan ng casino at bangko sa Pilipinas.