260 total views
Nababahala ang CBCP – Episcopal Commission on the Laity na nasa mahigit 1 milyong estudyante sa high school ang maaaring magdrop–out dahil sa implementasyon ng K to 12.
Ito’y dahil kulang ang mga paaralan na nagbibigay ng programang K to 12.
Sa kabila nito, nagpa–abot ng pagbati sa mga mag–aaral na magsisipagtapos ngayong 2016 si Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng komisyon.
Aniya, mahalagang matanto ng mga estudyante lalo na ng mga magsisipagatapos sa kolehiyo ang pagsikapang makahanap ng trabaho upang matulungan ang kanilang pamilya.
Hiling din ng obispo na nawa ay mapamalas ng mga ito ang kanilang kakayahan sa trabahong kanilang papasukan.
“Congratulations sa mga kabataang magga–graduates ngayong 2016 ito ay isang malaking baitang sa inyong buhay ipasalamat natin sa Diyos at sana pagsikapan natin na pagkatapos ng graduation maipagpatuloy pa rin yung inyong pananagutan sa inyong pamilya lalong–lalo na yung mga magga – graduate ng college may trabaho na kayo na sana pakinabangan itong kakayahan na ibinigay sa inyo sa paghahanap ng trabaho. Although wala masyadong magga – graduate ngayon sa high school dahil papasok na sila sa K–12 ay sana ipagpatuloy sana yung pag – aaral nila,” bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo sa Radyo Veritas.
Sa tala ng Anakbayan mula sa Unibersidad ng Pilipinas, Los Banos, umabot sa mahigit 400,000 Pilipinong nagsipagtapos ng kolehiyo noong taong 2008 ang walang trabaho.
Batay naman sa pag-aaral ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), tinatayang gagastos ng P12,090 ang bawat pamilya para tustutusan ang pag-aaral ng isang miyembro sa bawat karagdagang taon sa K-12.