396 total views
Hinikayat ni Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on the Laity chairman Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo ang mga taxi operators sa bansa na babaan ang kanilang boundary matapos aprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang P10 rollback sa flag down rate sa taxi at maging sa airport taxi sa buong bansa.
Nanawagan si Bishop Pabillo na dapat ring isaalang – alang ng mga taxi operators ang kikitain ng kanilang mga empleyadong driver na apektado naman ng pagbaba ng pasahe bunsod na rin ng pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo sa merkado.
“Iyan ay matagal ng sinabi sa atin noon na babawasan ng P10, ngayon ginawa nilang permanent kasi bumaba na nga ang gasolina. Kaya sana ito ay nangangahulugan rin sa mga taxi owners and operators na babaan na rin nila ang boundary sa mga taxi drivers. Kasi tinitingnan rin natin ang kalagayan ng mga taxi drivers. Kaya sa pagbaba ng flag down rate sana babaan din ng mga taxi operators ang boundary ng mga drivers nila,” pahayag ni Bishop Pabillo sa Radyo Veritas.
Hinimok rin ng LTFRB ang publiko na isumbong sa kanila ang mga taxi driver na hindi susunod sa tamang singil.
Epektibo ang bagong flag down rate sa mga taxi sa ika – 19 ng Marso pero hindi kasama sa kautusan ang Cordillera Administrative Region.
Sa tala ng LTFRB, umaabot sa mahigit 800 ang mga natanggap nilang reklamo noong taong 2015 dahil sa mga taxi drivers na sobra ang isinisingil sa pamasahe.
Batay naman sa social teaching ng Simbahang Katolika, mainam na laging isaalang–alang ang kapakanan ng mga mahihirap sa anumang paggalaw sa presyo ng bilihin at pamasahe.