388 total views
May iba’t-ibang hindi magagandang epekto sa ekonomiya ng bansa ang pagbaba ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan.
Ayon kay UP Economic Prof. at dating Budget Secretary Benjamim Diokno, kabilang na dito ang pagbabawas sa social at infrastructure services gaya ng housing dahil maraming overseas Filipino workers ngayon ang mawawalan ng trabaho na sila ang pangunahing kumukuha ng mga housing units.
Dagdag pa ni Diokno, dapat may plan B ang gobyerno sa mga uuwing OFW na naapektuhan ng pagbagsak ng presyo ng produktong petrolyo partikular mula sa Gitnang Silangan na aabot sa 1.5 milyong jobless OFW kung saan 10,000 na ang umuwi sa Pilipinas.
“Dapat wag naman tayong masanay na mura ang gasoline, dapat nagtitipid tayo, on the part of the gov’t. dapat I adjust nila ang tax sa oil kasi masyado ng mura, Dapat may plan B na tayo, dapat palakasin ang ekonomiya natin para may trabaho ang mga babalik na OFW kasi mataas pa rin ang unemployment rate sa Pilipinas, hihina rin ang housing dahil karamihan ng mga kumukuha nito mga OFW…” pahayag ni Diokno sa panayam ng Radyo Veritas.
Tinatayang nasa 12 milyon ang OFW sa iba’t-ibang panig ng mundo kung saan 2 milyon dito nasa Gitnang Silangan.
Una ng nanawagan ang CBCP Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People sa pamahalaan na paghandaan ang pag-uwi ng mga OFW sa pamamagitan na rin ng pagpapalakas at pagbibigay sa kanila ng trabaho.