151 total views
Distansya ng mga voting places sa mismong kinaroroonan ng mga Overseas Filipino Workers ang dahilan kung bakit malaki ang deperensya ng voting turnout ng mga OFW sa mismong araw ng halalan.
Ayon kay Balanga Bataan Bishop Ruperto Santos, Chairman ng CBCP – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People, mahirap para sa mga OFW ang magbiyahe patungo sa mga konsulado o tanggapan ng Embahada ng Pilipinas sa iba’t ibang bansa kung saan isinasagawa ang halalan o ang Overseas Absentee Voting na matatagpuan sa kabisera ng mga bansa sapagkat karamihan sa mga OFW ay naghahanapbuhay at naninirahan sa iba’t ibang lugar.
“Marami nga tayong botante na OFW ang problema lang natin hindi din sila kaagad nakakaboto kahit isang buwan pa, bakit? Kasi malayong lugar, sila ay magbababyahe at malaki ang bayad sa byahe. Ang ibig kong sabihin ang voting places ay mga sa Consular offices o kaya sa Embahada, pero ang Embahada ay nasa mga capital cities ng mga bansa…” Ang bahagi ng pahayag ni Bishop Santos sa panayam sa Radio Veritas.
Kaugnay nito, una nang inihayag ng Obispo na maari ring ikonsidera at pag-aralan ng Commission on Elections para sa mga susunod pang eleksyon ang pagsasagawa ng halalan sa mga Simbahan at parokya sa iba’t ibang bansa upang mas mapalapit sa mga botante.
Sa tala, tumaas ng 100 porsyento ang bilang ng nagpatala ngayong taon kumpara noong 2015 kung saan mahigit 400,000 OFW ang mga bagong rehistradong botante dahilan upang umabot sa higit 1.4 milyon ang mga Overseas absentee voters ngayong darating na halalan.
Ayon sa Department of Foreign Affairs – Overseas Voting Secretariat, ito na ang maituturing na isa sa pinakamaraming bilang ng mga botanteng nagpatala sa kasaysayan ng mga rehistradong Overseas Voter.
Dahil dito, umaasa ang Obispo at maging ang COMELEC na mas tataas rin ang Voting Turnout ngayong halalan.
Sa tala ng kumisyon, noong 2010 umabot lamang sa 25.99 percent ang overseas voter turnout kung saan higit sa 150,000 OFW lamang ang bumoto mula sa higit 580,000 overseas registered voters.
Habang noong 2013 naman ay naitala ang 16.11 percent voter turnout nang higit sa 100-libo lamang ang bumoto mula sa may higit 700-libong rehistradong OFW