169 total views
Isinisi ng Catholic Bishops Conference of the Philippines – Permanent Committee on Public Affairs (CBCP – PCPA) sa kasalukyang administrasyon ang pagdami ng pasugalan sa bansa.
Ayon kay Lipa, Batangas Archbishop Ramon Argulles, chairman CBCP–PCPA na wala ng dapat ipagtaka ng publiko sa malaking perang nakubli mula sa mga casino at banko.
Kapabayaan rin aniya ng pamahalaan ang pagtatayo ng mga malalaking pasugalan sa bansa na siyang pinag – ugatan ng nakaw na salapi. Nanindigan rin aniya ang simbahan na ang sugal ay isang immoral na siyang nagdudulot ng pagkalulong sa pera.
“Yun nga yung label ng present administration. Maraming sugalan in the past hindi na nakapasok yan pero pumasok yan during their administration talagang walang pigil. Kaya yan may issue yung money laundering yun pala ay hindi transparent ang mga sugalan. Some people may be dealing sa illegal activities sa sugalan immoral yan. Ang sugal ay immoral yan ang pinanggagalingan ng illegal na transaksiyon,” bahagi ng pahayag ni Archbishop Arguelles sa Radyo Veritas.
Kasalukuyan na ring pinaiimbestigahan ng senado ang 6 na malalaking casino sa Metro Manila matapos madiskubre ang $81 milyong dolyar na money laundering scheme sa Philippine banking system na naipuslit mula sa mga casino.
Nauna na ring pina – alalahanan ni Pope Francis ang mga kaparian na huwag tumanggap ng mga donasyon mula sa mga maruruming pera na nanggagaling sa pasugalan at katiwalian.