226 total views
Hinimok ni Balanga Bishop Ruperto Santos – Chairman ng CBCP Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People ang mga kandidato na tularan ang pagiging isang servant leader ni Hesus.
Paliwanag ng Obispo ang isang tunay na lingkod bayan ay nagmamalasakit at buong pusong ibinabahagi ang kanyang talino, husay at sarili sa kanyang nasasakupan ng hindi naghihintay ng kapalit.
Tulad na lamang aniya ng ginawang pag-aalay ng sarili ni Hesus upang matubos sa kasalanan ng sanlibutan.
“Ngayon ito ang ating tularan na kung saan isang lider na handang magpakasakit, magmamalasakit, lahat ibibigay ang kanyang talino, ang kanyang yaman, ang kanyang husay hindi para sa kanyang sarili, hindi sa partido bagkos sa bayan sapagkat yan ang Eukaristiya, yan si Hesus lahat ibinigay lahat ipinagpakasakit para sa kanyang kawan para sa atin.” pahayag ni Bishop Santos sa panayam sa Radio Veritas.
Dagdag pa ng Obispo, ito rin ang dapat pagnilayan ng bawat Filipinong mananampalataya ngayong Kwaresma na panahon upang magsisi at magbalik loob sa ating Panginoon.
Batay sa Commission on Elections Resolution No. 10002, nasa 18,083 posisyon ang bukas para sa panunungkulan at pamumuno ng mga bagong lider na maihahalal ngayong darating na May 9 – National at Local Elections, kabilang na ang posisyon sa pagkapangulo, pangalawang pangulo, 12 senador, 59 na partylist representatives at higit 18,000 posisyon sa lokal na pamahalaan.
Samantala, batay sa panlipunang katuruan ng Simbahan Katolika, ang isang mabuting lider ay nagpapaalipin, nagpapakumbaba at tunay na naglilingkod sa taumbayan at sa kanyang mga nasasakupan ng walang halong sariling interes sa kanyang panunungkulan.