486 total views
Nanawagan si Ramon Magsaysay 2025 Awardee at Program Paghilom Founder Fr. Flavie Villanueva, SVD, sa mga lider ng bansa at sa buong sambayanang Pilipino na magsasa-sama laban sa katiwalian at pag-iral ng political dynasties.
Ayon kay Fr. Villanueva, panahon na para wakasan ang korupsyon at panagutin ang lahat ng may kasalanan.
Ipinahayag ng pari ang panawagan kaugnay ng muling pagbubuklod ng mamamayan sa EDSA People Power Monument para sa ikalawang Trillion Peso March noong November 30, 2025, kasabay ng pagdiriwang ng Bonifacio Day.
“Panawagan sa mga kinaukulan, panawagan sa mga kababayan, panawagan sa lahat ng Pilipinong naghahangad ng mas magandang bukas–wakasan natin ang korupsyon, ikulong natin ang mga lahat ng may kasalanan, higit sa lahat, ibalik natin ang dangal ng pagiging tunay na Pilipino,” panawagan ni Fr. Villanueva sa panayam ng Radyo Veritas.
Binigyang-diin ni Fr. Villanueva ang kahalagahan ng pagmamalasakit at pagkalinga sa kapwa bilang mahalagang hakbang tungo sa tunay na kaunlaran ng lipunan.
Dagdag pa ng pari, hangga’t nagpapatuloy ang pang-aabuso sa kapangyarihan at paglabag sa sinumpaang tungkulin, patuloy ding magdurusa ang mamamayan, lalo na ang mga mahihirap.
“Walang pinagpalang bansa kung ang mahirap ay patuloy na pinababayaan,” ayon kay Fr. Villanueva.
Ayon sa tala ng Caritas Philippines, 86-arkidiyosesis at diyosesis mula sa iba’t ibang rehiyon sa bansa, kasama ang mga relihiyoso, lay organizations, at civic groups, ang nagpahayag ng suporta sa Trillion Peso March.
Batay naman sa ulat ng Philippine National Police, tinatayang 90,000 katao ang lumahok sa mga isinagawang kilos-protesta sa iba’t ibang panig ng bansa kasabay ng pagdiriwang ng Bonifacio Day.




