207 total views
Mariing tinutulan ng Ibon Foundation ang nalalapit na pagpapatayo ng Metro Rail Transit o MRT Line 7 extension project.
Ayon kay Rosario Bella Guzman, excutive editor ng Ibon Foundation na sisirain lamang ng naturang proyekto ang lupang sakahan sa San Jose, Bulacan.
“Para sa Ibon Foundation, matagal na niyang tinututulan ang konseptong ito dahil ang dadaanan ng tren ay prime agricultural land at tirahan ito. Dito na lumaki ang ilang libong pamilyang magsasaka at ang kanilang kabuhayan ay sagana sa ilalim ng produksyon ng lupang ito. Sa katunayan organic pa yung kanilang pamumuhay ibig sabihin hindi sila gumagamit ng kemikal at sagana talaga ang kanilang ani. Ito ang daraanan ng MRT 7 at ito ang wawasaking kabuhayan at pamayanan ng naturang tren,” bahagi ng pahayag ni Guzman sa Radyo Veritas.
Giit pa ni Guzman na marami ng itinayong kontrata ang administrasyong Aquino sa mga pribadong sektor na sila ang nakinabang rito.
Kawawa rin aniya ang taumbayan sakaling matapos ang proyekto lalo na sa sisingiling mataas na pamasahe.
“Bukod doon maraming terms doon sa kontrata na isarang corporations kasama ng pamahalaang Aquino dito sa kanyang Public – Private Partnership na talagang mabigat ito para dun sa publiko at sasaluhin natin ito habang sila ang makikinabang doon sa sisingiling pamasahe,” giit pa ni Guzman sa Veritas Patrol.
Nauna ng sinabi ng San Miguel Corporation na naibigay na nila ang bank certification para sa P63-Billion na halaga ng proyekto at magsisimula ang construction sa MRT 7 project sa February 18, 2016 na matatapos naman sa August 17, 2019.
Nabatid na kung sakaling matapos ang naturang elevated train system mapapakinabangan ito ng nasa 850,000 pasahero kada araw.
Magugunita na ang nasabing proyekto ay inaprubahan sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo subalit nagkaroon ng problema dahil sa pag-aagawan ng SM Group at Ayala Corporation kung saan itatayo ang Central Terminal.