227 total views
Ito ang naging pahayag ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity matapos manawagan ang Department of Labor and Employment na ikunsidera ng mga bagong graduate ang pagta-trabaho sa gobyerno lalo’t may mga bakanteng posisyon na dapat punan.
Ikinatuwa ni Bishop Pabillo ang ganitong endorso ng DOLE sa mga graduate ngunit paalala ng Obispo na sana ay hindi mangibabaw sa ahensya ng mga gobyerno ang palakasan na kung saan ang kama-kamag-anak ang tinatanggap sa posiyon na hindi naman naayon sa natapos na kurso ng aplikante.
“Sana naman sa mga lokal na pamahalaan hind maging palakasan na kailangan may kakilala kang pulitiko may kamag–anak kang pulitiko para makasama. Sana sa ating pamahalaan nariyan yung meritocracy na ikaw ay makakakuha ng trabaho dahil ikaw yung qualified hindi dahil sa may kakilala ka,” paalala ni Bishop Pabillo sa Radyo Veritas.
Sa ngayon ayon sa DOLE ay mayroong 173,000 bakanteng trabaho sa pamahalaan na bahagi ng 1.2 milyong authorized positions.
Pinakamaraming bakante ay sa Department of Education o DepEd kung saan nasa 54,000 posisyon na pawang teacher at non-teaching personnel.
Nauna na ring ipinalala ni St. John Paul II sa encyclical letter nito na Laborem Exercens na kilalanin ang dignidad sa trabaho ng mga manggagawa.