8,739 total views
Humiling ng panalangin ang opisyal ng Vatican para sa mga biktima ng pagbaha sa pananalasa ng Bagyong Crising.
Sa ikalawang araw ng 11th Philippine Conference on New Evangelization (PCNE XI) pinangunahan ni Dicastery for Evangelization Pro Prefect Cardinal Luis Antonio Tagle ang banal na misa sa University of Santo Tomas Quadricentennial Pavillon kung saan umapela ito sa mananampalataya na alalahanin sa mga panalangin ang mga nakaranas ng paghihirap dulot ng mga sakuna.
“Ipagdasal po natin ang ating mga kapatid na sa oras na ito ay dumaranas ng mahirap na sitwasyon dahil sa ulan at baha. Huwag natin silang iiwan lalo na sa ating mga panalangin,” ayon kay Cardinal Tagle.
Sinabi ni Cardinal Tagle na sa mga panahong nakararanas ng paghihirap ang sangkatauhan dulot ng mga sakuna at kalamidad ay bukod tanging si Hesus ang magbibigay ng liwanag at pag-asa sa bawat isa.
Matatandaang July 16 nang pumasok sa bansa ang Bagyong Crising sa Virac Catanduanes at lumabas ng Philippine Area of Responsibility, Sabado ng hapon.
Ilang lugar sa bansa ang isinailalim sa tropical cyclone wind signal dahil sa mga pag-ulang dulot ng bagyo.
Dahil sa bagyo mas pinaigting nito ang southwest monsoon o hanging habagat na nagdadala ng mga pag-ulan sa malaking bahagi ng bansa kabilang na ang Metro Manila.
Nagdulot ng mga pagbaha at landslide sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas ang bagyo at habagat na nakakaapekto sa mga komunidad.
Nakaantabay naman ang mga social arm ng simbahang katolika tulad ng Caritas Manila at Caritas Philippines at nakikipag-ugnayan sa mga apektadong diyosesis upang makapaghatid ng tulong para sa mamamayan.