188 total views
Pagbabalik-loob sa Panginoon o conversion of the heart ang kinakailangan upang tunay na maisabuhay ang misyon na pangangalaga sa kalikasan.
Ito ang hamon ni Cebu Auxiliary Bishop Oscar Florencio sa mga mananampalataya upang tunay na mapamahalaan ang daigdig na ipinagkatiwala ng Panginoon sa tao.
Binigyang diin din ni Bishop Florencio na ang pagprotekta sa kapaligiran ay kaakibat ng lahat ng aspeto ng buhay, dahil ang integridad o dangal ng tao ay nasasalamin sa kung paano nito pahalagahan ang kalikasan.
“It needs actually a conversion of the heart, ang ibig kong sabihing conversion of the heart, yung talagang integrity ng creation at saka kasama yan sa integrity ng ating pagkatao, so hindi pwedeng sabihin na I will just take care of my spiritual life, tapos hindi ko papangalagaan yung kalikasan, hindi puwede yun, kasi kung sasabihin natin na ang tao ay may integridad, kasama nya yung whole of creation. Kaya ang kalikasan natin ay we have to take care of it because that’s part of the mission, that’s part of our mission being Eucharistic people.” Ang pahayag ni Bishop Florencio sa panayam ng Radyo Veritas.
Magugunitang sa Laudato Si na inilabas ng Kanyang Kabanalan Francisco noong nakaraang taon ay hinikayat ng Santo Papa ang lahat na makibahagi at maging instrumento ng Panginoon sa pagpapakita ng pangangalaga sa kalikasan.
Kaugnay dito, ngayong buwan ng Pebrero, muling nanawagan si Pope Francis sa kanyang monthly prayer intention na ipagdasal at pangalagaan ang kapaligiran gayun din ang bawat nilalang na nanahan dito.
Inaasahan namang makikiisa sa pananalangin ng Santo Papa ang mahigit 50 milyong miyembro ng tinaguriang Pope’s Worldwide Prayer Network o Apostleship of Prayer na nagmula sa 89 na mga bansa kabilang na ang Pilipinas na nagsimulang maging kasapi noong taong 2011.