248 total views
Nanawagan sa pamahalaan partikular na kay Pangulong Benigno Aquino III ang Lanao Institute for Peace and Development Incorporated na agad tugunan ang nagaganap na kaguluhan sa lalawigan.
Ayon sa tagapagsalita nitong si Sowaib Decampong, mga inosenteng sibilyan ang nabibiktima ng kaguluhan at walang katuturang labanan ng militar at mga rebeldeng grupo.
Naninindigan si Decampong na napanahon na upang tunay na bigyang solusyon ang patuloy na kaguluhan na nakakaapekto sa pangkabuuang pamumuhay ng mga mamamayan sa rehiyon ng Mindanao.
“Nananawagan po kami sa Presidente ng Pilipinas, na sana po ay maitigil ang gulo sa aming lugar kasi kawawa ang sibilyan, ang tinatamaaan talaga ay sibilyan kawawa, so nananawagan kami po sa Presidente ng Pilipinas na stop niya ang kaguluhan sa aming lugar…” pahayag ni Decampong sa Radio Veritas.
“Mag-iisang linggo na ang labanan sa pagitan ng mga militar at tinaguriang foreign at localize terrorist organization (FLTO) na nagresulta na sa pagkamatay ng halos 50 indibidwal sa lugar.
Habang tinatayang aabot na sa 7,800 pamilya ang kinailangang lumikas sa mga evacuation centers sa iba’t ibang barangay at munisipalidad sa lalawigan dahil sa nagaganap na kaguluhan. As of 22, may 7,800 families po na evacuees sa ibat ibang municipality at saka barangay na malayo dun sa area ng pinaglalabanan..” dagdag pa ni Decampong.
Noong 2010, naitala sa Mindanao ang 250 pag-atake ng NPA na ikinamatay ng may 300 mga sundalo.
Samantalang batay sa pag-aaral ng Internal Displacement Monitoring Center tinatayang aabot na 1.9 na milyong tao na naapektuhan ng may 40 taon ng kaguluhan at hidwaan sa rehiyon ng Mindanao.
Nasasaad sa katuruan ng Simbahang Katolika, karapatan ng bawat mamamayan ng bawat estado ang pagkakaroon ng isang maayos, pormal at ligtas na lugar na tirahan, malayo sa kapahamakan at kaguluhan.
Kaugnay nito, unang nagpahayag si Cotabato Archbishop Orlando Cardinal Quevedo, ng kanyang pagnanais na tutukan ang pagsulong ng kapayapaan sa rehiyon ng Mindanao, at patuloy na gampanan ang pagiging Peace Advocate sa pamamagitan ng tahimik at payak na paraan.