Veritas PH

The WORD. The TRUTH.

Linggo, Hulyo 27, 2025

SHARE THE TRUTH

 4,591 total views

Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon (K)

Genesis 18, 20-32
Salmo 137, 1-2a. 2bk-3. 6-7ab. 7k-8

Noong ako ay tumawag,
tugon mo’y aking tinanggap.

Colosas 2, 12-14
Lucas 11, 1-13

Seventeenth Week in Ordinary Time (Green)
World Day of Grandparents and the Elderly

UNANG PAGBASA
Genesis 18, 20-32

Pagbasa mula sa aklat ng Genesis

Noong mga araw na iyon, sinabi ng Panginoon, “Katakut-takot na ang sumbong sa akin laban sa Sodoma at Gomorra, at napakalaki ng kanilang kasalanan. Paroroon ako at aalamin ko kung ito’y totoo.”

Umalis nga ang mga lalaki at nagpunta sa Sodoma, ngunit nanatili ang Panginoon sa tabi ni Abraham. Itinanong ni Abraham, “Lilipulin po ba ninyo ang lahat ng tao, may kasalanan man o wala? Sakaling may limampung matuwid sa lungsod, wawasakin po ba ninyo iyon? Hindi ba ninyo patatawarin ang lungsod dahil sa limampung iyon? Naniniwala akong hindi ninyo idaramay ang mabubuti. Hindi ninyo gagawin iyon sapagkat kung ganito ang mangyayari, parehong magdurusa ang masama at mabuti. Hindi ito mangyayari! Makatarungan ang Hukom ng buong daigdig!”

At tumugon ang Panginoon, “Hindi ko ipahahamak ang lungsod dahil sa limampung matuwid.” “Ipagpaumanhin po ninyo ang aking kapangahasan,” wika ni Abraham, “wala po akong karapatang magsalita sa inyo, pagkat alabok lamang ako. Kung wala pong limampu, at apatnapu’t lima lamang ang matuwid, wawasakin ba ninyo ang lungsod?”

“Hindi ko wawasakin dahil sa apatnapu’t limang iyon,” tugon ng Panginoon. Nagtanong na muli si Abraham, “Kung apatnapu lamang?” “Hindi ko wawasakin ang lungsod dahil sa apatnapung iyon,” tugon sa kanya.

“Huwag sana kayong magagalit, magtatanong pa po ako. Kung tatlumpu lamang ang taong matuwid doon, hindi rin ninyo wawasakin?” Sinagot siya, “Hindi ko wawasakin ang lungsod dahil sa tatlumpung iyon.” Sinabi pa ni Abraham, “Mangangahas po uli ako. Kung dalawampu lamang ang matuwid na naroon?”

“Hindi ko pa rin wawasakin ang lungsod dahil sa dalawampung iyon,” muling tugon sa kanya. Sa katapusa’y sinabi ni Abraham,” Ito na po lamang ang itatanong ko: Kung sampu lamang ang matuwid na naroon? “Hindi ko pa rin wawasakin ang lungsod dahil sa sampung iyon,” tugon ng Panginoon.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 137, 1-2a. 2bk-3. 6-7ab. 7k-8

Noong ako ay tumawag,
tugon mo’y aking tinanggap.

Ako, Poon, buong pusong aawit ng pasalamat,
sa harap ng mga anghel, pupurihin kitang ganap.
Sa harap ng iyong templo ay yuyuko at gagalang,
pupurihin kita roon, pupurihin ang ‘yong ngalan.

Noong ako ay tumawag,
tugon mo’y aking tinanggap.

Dahilan sa pag-ibig mo at sa iyong katapatan,
ika’y tunay na dakila, pati iyong kautusan.
Noong ako ay tumawag, tinanggap ko ang tugon mo,
sa lakas mong itinulong ay lumakas agad ako.

Noong ako ay tumawag,
tugon mo’y aking tinanggap.

Kung ang D’yos mang Panginoon ay dakila at mataas,
hindi niya nililimot ang aba at mahihirap:
Kumubli ma’y kita niya yaong hambog at pasikat.
Kahit ako’y nababatbat ng maraming suliranin.
Ako’y walang agam-agam, panatag sa iyong piling.

Noong ako ay tumawag,
tugon mo’y aking tinanggap.

Nahahandang harapin mo mapupusok kong kaaway,
ligtas ako sa piling mo, sa lakas na iyong taglay.
Yaong mga pangako mo ay handa mong tupding lahat,
ang dahilan nito Poon, pag-ibig mo’y di kukupas,
at ang mga sinimulang gawain mo’y magaganap.

Noong ako ay tumawag,
tugon mo’y aking tinanggap.

IKALAWANG PAGBASA
Colosas 2, 12-14

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Colosas

Mga kapatid: Noong kayo’y binyagan, nalibing kayong kasama ni Kristo at muling nabuhay na kasama niya dahil sa inyong pananalig sa kapangyarihan ng Diyos na muling bumuhay sa kanya. Kayong mga Hentil na dating patay dahil sa kasalanan ay muling binuhay ng Diyos na kasama ni Kristo. Pinatawad niya tayo sa ating mga kasalanan at pinawalang-bisa ang lahat ng kasulatan laban sa atin, pati mga pananagutang kaugnay nito. Pinawi niya ang lahat ng ito nang ipako siya sa krus.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Roma 8, 15bk

Aleluya! Aleluya!
Espiritu ng D’yos Anak
ay siyang ating tinanggap
nang D’yos Ama ay matawag.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 11, 1-13

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Minsan, nananalangin si Hesus. Pagkatapos niya, sinabi ng isa sa kanyang mga alagad, “Panginoon, turuan po ninyo kaming manalangin, katulad ng ginawa ni Juan sa kanyang mga alagad.” Sinabi ni Hesus, “Kung kayo’y mananalangin, ganito ang sabihin ninyo:
‘Ama, sambahin nawa ang ngalan mo.
Magsimula na sana ang iyong paghahari.
Bigyan mo kami ng aming makakain sa araw-araw.
At patawarin mo kami sa aming mga kasalanan,
Sapagkat pinatatawad namin ang bawat nagkasala sa amin.
At huwag mo kaming iharap sa mahigpit na pagsubok.’”

Sinabi pa rin niya sa kanila, “Ipalagay natin na ang isa sa inyo’y nagpunta sa isang kaibigan isang hatinggabi at nagsabi, ‘Kaibigan, bigyan mo muna ako ng tatlong tinapay. Dumating kasi ang isa kong kaibigang naglalakbay at wala akong maihain sa kanya!’ At ganito naman ang sagot ng kanyang kaibigan sa loob ng bahay, ‘Huwag mo nga akong gambalain! Nakatrangka na ang pinto at nakahiga na kami ng aking mga anak. Hindi na ako makababangon pa upang bigyan kita ng iyong kailangan.’ Sinasabi ko sa inyo, hindi man siya bumangon dahil sa kanilang pagkakaibigan, babangon siya upang ibigay ang hinihingi ng kaibigan dahil sa pagpupumilit nito. Kaya sinasabi ko sa inyo: Humingi kayo, at kayo’y bibigyan; humanap kayo at kayo’y makasusumpong; kumatok kayo, at ang pinto’y bubuksan para sa inyo. Sapagkat tumatanggap ang bawat humihingi; nakasusumpong ang bawat humahanap; at binubuksan ang pinto sa bawat kumakatok. Kayong mga ama, bibigyan ba ninyo ng ahas ang inyong anak kung humihingi ng isda? Bibigyan ba ninyo siya ng alakdan kung siya’y humihingi ng itlog? Kung kayong masasama ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Amang nasa langit! Ibibigay niya ang Espiritu Santo sa mga humihingi sa kanya!”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon (K)

Bunsod ng pananalig sa walang sawang pag-ibig ng Diyos, idulog natin sa Kaniya ang ating mga kahilingan para sa mga pangangailangan nating lahat:

Panginoon, dinggin Mo kami!

Ama, pagpalain Mo ang Simbahan, ang mag-anak Mo sa lupa. Gawin Mo itong tahanan ng lahat ng tao at kanilang gabay tungo sa pagkakaisa at bukas-palad na pakikipagtulungan. Manalangin tayo!

Ama, pagpalain ang aming Santo Papa Leon XIV, mga Obispo, at lahat ng pinunong relihiyoso sa buong mundo. Gawin Mo silang mga kasangkapan ng Iyong makaamang pagmamahal para sa lahat. Manalangin tayo!

Ama, pagpalain Mo ang mga mag-anak namin at gawin silang mga kanlungan ng tapat na pagmamahalan, pagkakaisa, at kapayapaan. Iligtas sila sa lahat ng anyo ng pagkakawatak-
watak, paninibugho, at pagtataksil. Manalangin tayo!

Ama, pagpalain mo ang lahat ng lolo’t lola, upang pagkalooban sila ng mabuting kalusugan at ng kagalakan sa pagmamahal at kalinga ng kanilang mga anak at mga apo. Manalangin tayo sa Panginoon!

Ama, pagpalain Mo ang lahat ng mga misyonero: pari, madre, relihiyoso, at boluntaryong laiko ay maging kapani-paniwalang patotoo sa Ebanghelyo sa kani-kanilang pinaglilingkuran.
Manalangin tayo!

Panginoong Diyos, Ama ni Hesukristo’t Ama rin namin, huwag pansinin ang aming pagiging di karapat-dapat, kundi ang katapatan ng aming pagmamahal. Ipagkaloob sa amin ang kailangan naming mga biyaya, sampu ng kakayahan naming magdasal at magsumamo sa Iyo. Sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen!

Veritas Editorial

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

PORK BARREL

 72,088 total views

 72,088 total views Kapanalig, bakit katakam-takam ang Pork barrel funds? Bakit nababaliw ang mga mambabatas sa pork barrel? Noong 2013, idineklara ng Korte Suprema na unconstitutional

Read More »

THE CONDUCTOR

 84,628 total views

 84,628 total views Kapanalig, sinasabi ng Cambridge dictionary na ang “CONDUCTOR” ay “Person who directs the performance of musicians or a piece of music especially by

Read More »

Sakramento ng kasal

 107,010 total views

 107,010 total views Mga Kapanalig, paunti raw nang paunti ang mga nagpapakasal sa ating bansa. Iniulat ito noong isang linggo ng Philippine Statistics Authority (o PSA).

Read More »

Aktibismo, red tagging, at ang kalikasan

 126,561 total views

 126,561 total views Mga Kapanalig, hindi lamang ang mga aktibista ang napapahamak sa red-tagging o ang pag-uugnay sa kanila sa mga itinuturing na kalaban ng estado.

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Martes, Setyembre 30, 2025

 45,485 total views

 45,485 total views Paggunita kay San Jeronimo, pari at pantas ng Simbahan Zacarias 8, 20-23 Salmo 86, 1-3. 4-5. 6-7 Ang ating Panginoong D’yos ay kapiling

Read More »

Lunes, Setyembre 29, 2025

 45,716 total views

 45,716 total views Kapistahan nina Arkanghel San Miguel, San Gabriel at San Rafael Daniel 7, 9-10. 13-14 o kaya Pahayag 12, 7-12a Salmo 137, 1-2a, 2bk-3, 4-5

Read More »

Linggo, Setyembre 28, 2025

 46,226 total views

 46,226 total views Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) Amos 6, 1a. 4-7 Salmo 145, 7. 8-9a. 9bk-10 Kalul’wa ko, ‘yong purihin ang Panginoong butihin.

Read More »

Sabado, Setyembre 27, 2025

 33,715 total views

 33,715 total views Paggunita kay San Vicente de Paul, pari Zacarias 2, 5-9. 14-15a Jeremias 31, 10. 11-12ab. 13 Pumapatnubay na Diyos ay Pastol na kumukupkop.

Read More »

Biyernes, Setyembre 26, 2025

 33,824 total views

 33,824 total views Biyernes ng Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) o kaya Paggunita kay San Cosme at San Damian, mga martir Ageo 1, 15b – 2,

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top