6,806 total views
Lunes Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Karunungan 1, 1-7
Salmo 138, 1-3. 4-6. 7-8. 9-10
Poon, ako ay samahan
sa buhay na walang hanggan.
Lucas 17, 1-6
Monday of the Thirty-second Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Karunungan 1, 1-7
Ang simula ng aklat ng Karunungan
Kayong mga namamahala at may kapangyarihan sa daigdig, mahalin ninyo ang katarungan,
mataimtim ninyong isipin ang Panginoon, at taos-pusong hanapin siya.
Matatagpuan siya ng mga hindi nag-aalinlangan sa kanya.
Magpapakita siya sa mga nagtitiwala sa kanya nang lubos.
Ang mga baluktot ang isipan ay di makalalapit sa Diyos;
ang sinumang baliw na mangahas subukin siya
ay bibiguin ng kanyang walang hanggang kapangyarihan.
Ang Karunungan ay di papasok sa may masamang kalooban,
at di mananahan sa pusong alipin ng kasalanan.
Ang tunay na nagpapakabanal ay umiiwas sa mga manlilinlang;
lumalayo siya sa lahat ng nagpapahayag ng kahibangan,
at di niya matitiis ang anumang pang-aapi o paghamak sa katarungan.
Ang Karunungan ay diwang magaan ang loob sa lahat,
ngunit hindi niya mapapayagang lapastanganin ang Diyos;
sapagkat alam ng Diyos ang ating mga damdamin at isipan
at nadirinig niya ang bawat salita natin.
Ang diwa ng Panginoon ay laganap sa buong sanlibutan at siya ang nagpapanatili sa lahat ng bagay,
kaya, alam niya ang bawat katagang namumutawi sa labi ng bawat nilalang.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 138, 1-3. 4-6. 7-8. 9-10
Poon, ako ay samahan
sa buhay na walang hanggan.
Ako’y iyong siniyasat, batid mo ang aking buhay,
ang lahat kong lihim, Poon, ay tiyak mong nalalaman.
Ang lahat ng gawain ko, sa iyo ay hindi lingid,
kahit ikaw ay malayo, batid mo ang aking isip.
Ako’y iyong nakikita, gumagagawa o hindi man,
ang lahat ng gawain ko’y pawang iyong nalalaman.
Poon, ako ay samahan
sa buhay na walang hanggan.
Di pa ako umiimik, yaong aking sasabihi’y
alam mo nang lahat iyon, lahat ay di malilihim.
Ika’y laging kapiling ko, katabi ko oras-oras,
ang likas mong kalakasan ang sa aki’y nag-iingat.
Nagtataka ang sarili’t alam mo ang aking buhay,
di ko kayang unawain iyang iyong karunungan.
Poon, ako ay samahan
sa buhay na walang hanggan.
Saan ako magpupunta, upang ako’y makatakas?
Sa Banal mong Espiritu’y hindi ako makaiwas.
Kung langit ang puntahan ko, pihong ika’y naroroon,
sa Sheol ay naroon ka kung do’n ako manganganlong.
Poon, ako ay samahan
sa buhay na walang hanggan.
Kung ako ay makalipad, umiwas na pasilangan,
o kaya ang tirahan ko’y ang duluhan ng kanluran;
pihong ikaw ay naroon, upang ako’y pangunahan,
matatagpo kita roon upang ako ay tulungan.
Poon, ako ay samahan
sa buhay na walang hanggan.
ALELUYA
Filipos 2, 15d. 16a
Aleluya! Aleluya!
Sa daigdig ay laganap
liwanag na sumisikat,
Salitang buhay ng lahat.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 17, 1-6
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Hindi mawawala kahit kailan ang mga sanhi ng pagkakasala; ngunit nakapangingilabot ang sasapitin ng taong panggagalingan nito! Mabuti pa sa kanya ang bitinan ng isang malaking gilingang-bato sa leeg at itapon sa dagat, kaysa maging sanhi ng pagkakasala ng isa sa maliliit na ito. Kaya’t mag-ingat kayo!
“Kung magkasala ang kapatid mo, pagsabihan mo, at kung siya’y magsisi, patawarin mo. Kung makapito siyang magkasala sa iyo sa maghapon, at makapito ring lumapit sa iyo at magsabing, ‘Nagsisisi ako,’ patawarin mo.”
Sinabi ng mga apostol sa Panginoon, “Dagdagan po ninyo ang aming pananalig sa Diyos!” Tumugon ang Panginoon, “Kung maging sinlaki man lamang ng butil ng mustasa ang inyong pananalig sa Diyos, masasabi ninyo sa puno ng sikomorong ito, ‘Mabunot ka, at matanim sa dagat!’ at tatalima ito sa inyo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon
Lunes
Itinuturo ng ating Guro na ang kahulugan ng pagiging alagad ay ang radikal na pagtanggi sa kasamaan. Iniaalay natin ang ating mga panalangin ngayon nang may pagpapasyang magsakripisyo upang sundan ang Panginoon.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, sumaamin nawa ang iyong kapangyarihan.
Ang Simbahan nawa’y magwagi sa kanyang pagpupunyaging labanan ang kasamaan sa daigdig, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang Kristiyanong sumasampalataya nawa’y magkaroon ng tapang ng magsalita at kumilos laban sa kasamaang sumisira ng ating lipunan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pinaging manhid na ng kasalanan nawa’y hipuin ng Espiritu ng Panginoon upang magbalik-loob sila at magbago ng pamumuhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y palakasin sa kanilang dinaranas ng pagsubok at maialay nila ang kanilang paghihirap para sa pagbabalik-loob ng mga makasalanan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga mahal na yumao nawa’y akayin sa piling ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Makapangyarihang Diyos, bigyan mo kami ng matapang na pananampalataya upang maging malakas at matatag kami sa aming paglaban sa kasamaan ng mundong ito. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.