916 total views
Ang Radio Veritas-ang tanging himpilan ng radyo na naging daan sa panawagan ng noo’y si Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin para sa sama-samang pagdarasal at pagtitipon sa EDSA na naging susi sa ‘bloodless revolution’ laban sa diktadurya ng noo’y si Pangulong Ferdinand Marcos.
Ayon kay Rev. Fr. Anton CT Pascual pangulo ng Radio Veritas, isang karangalan ang naging bahagi na ginampanan ng ating himpilan para makamit ang kalayaan ng bawat Filipino mula sa ilalim ng diktaduryang Marcos.
Hinimok din ni Fr. Pascual ang bawat Filipino na ipagpatuloy ang pagkakaisa at sama samang pananalangin sa Panginoon upang malagpasan ang kasalukuyang pangunahing suliranin ng bansa- ang kahirapan.
“ Mga kapanalig kaisa ng buong sambayanan ang Radyo Veritas po ay bumabati sa ating lahat na nagpapahalaga sa kalayaan, demokrasya at mga mahihirap sa ika-30 anibersaryo ng People Power EDSA Revolution, kasama po natin ang simbahan, kasama natin ang Diyos sa ating pangarap na lumaya ang Pilipinas sa kuko ng kahirapan, kasakiman at pagkakanya kanya.” Bahagi ng mensahe ni Fr. Pascual sa Radyo Veritas.
Sa katuruan ng Simbahan nasasaad na ang bawat isa ay tinawag sa mga gawaing nagpapakita ng kabayanihan tulad ng pagkakaisa, pagtulong sa kapwa at paninindigan para sa bayan, sa ganitong paraan makakamit din ng bawat isa ang kabanalan ng panginoon.
Samantala magugunitang taong 1972 idineklara ni dating Pangulong Marcos ang pagsasailalim ng bansa sa Martial Law na nagwakas sa pamamagitan ng People Power Revolution noong taong 1986.
Sa ilalim ng Martial Law, tinatayang aabot sa 3,000 tao ang sinasabing pinaslang dahil sa hindi pagsang-ayon sa patakaran ng administrasyong Marcos.
Sa pagsisiyasat naman ng Office of the Ombudsman noong 1988, nasa 100 milyong kada araw ang nawawala sa pera na bayan dahil sa laganap na korupsiyon, kung saan nabatid na noong panahon ng “Martial Law”, 5 hanggang 10-bilyong dolyar ang sinasabing nakuhang yaman ng pamilya Marcos sa pamahalaan na naitala sa Guinness Book of World Record bilang “the biggest robbery”.
Nakikiisa ang pamunuan ng Radio Veritas sa paggunita ng ika-30 anibersaryo ng People Power EDSA Revolution.