220 total views
Nanawagan ang urban group na Kalipunan ng Damayang Mahihirap o Kadamay sa mga taong Simbahan na tulungan sila sa kanilang laban na huwag lubusang maipatupad ang isa na namang modernization program ng gobyerno na nakakaapekto ng labis sa kabuhayan ng mahihirap.
Ito ang pagsasapribado ng mga pamilihang bayan at pagpapasara sa mga talipapa sa bansa.
Ayon kay Gloria Arellano, chairperson ng Kadamay, ngayon pa lamang nagpapasalamat na sila sa Simbahang Katolika dahil sa pagkuha ng kanilang panig para maiparating sa pamahalaan ang kanilang mga hinaing.
Una ng nagsagawa ng “Palengke Summit” ang samahan upang tutulan na maisapribado ng tuluyan ang mga pamilihang bayan sa buong bansa.
Sinabi ni Arrelano ang mga dahilan nila sa kanilang pagtutol ay unti-unting mawawalan ng kabuhayan ang mga mahihirap gaya ng mga informal vendors, malaking tulong ang mga talipapa dahil abot ng masa ang presyo dito at hindi maaasahan ang pamahalaan na tulungan ang informal traders dahil interes ng mga kapitalista ang prayoridad nito.
“Sa urban development unti-unti ng mawawala ang kabuhayan ng mga maralita sa lungsod dahil sa programang modernization ng governmentt, kaya kung mapapansin ninyo, tinatabunan yan ng mga malalaking supermarket, kaya huwag isara ang mga talipapa, palaguin, para may choice ang masa mas murang di hamak ang talipapa, sa komunidad dapat andiyan ang pangangailangan ng karaniwang tao, malaking tulong pwedeng abutin ang masa, dahil mababa ang presyo, pinapatay ang kabuhayan ng mga Filipino ng modernisasyon nay an dapat tulungan ng pamahalaan ang informal traders.” Pahayag ni Arellano sa panayam ng Radyo Veritas.
Sa Maynila lamang noong isang taon, nasa 14 na pampublikong pamilihan ang naisa-pribado na ng gobyerno habang sa Balintawak Public Market, nasa 9,000 market vendors ang mawawalan ng hanapbuhay kapag tuluyan itong naisapribado.
Sa Social Doctrine of the Catholic Church, dapat pahalagahan ng estado ang kapakanan ng nakararami lalo na ng mga maralitang manggagawa gaya ng pagkakaloob ng tamang benepisyo na naayon sa estado ng kanilang pamumuhay para maitaas ang kalidad nito at ang kanilang dignidad.