199 total views
Pinag-iingat pa rin ng Department of Health ang publiko laban sa mga sakit partikular na sa Zika virus matapos mapaulat na isang banyagang turista ang nagkaroon nito habang nagbabakasyon sa bansa.
Ayon kay Dr. Lyndon Lee Suy, spokesman ng DOH, may mga konsultasyon na ring isinasagawa ang tanggapan sa mga mamamayan sa ibat ibang mga lugar at negatibo naman ang resulta.
Sinabi ni Lee Suy na ang sintoma ng Zika virus ay hindi kasing lala ng sintoma ng dengue bagamat halos magkapareho lamang ito.
“Payo ko lang maglinis ng paligid, tukuyin ang mga breeding ground ng lamok at alisin ang mga ito upang maiwasan ang nasabing mga sakit lalo na yung mga nagmumula sa lamok.” Pahayag ni Lee Suy sa panayam ng Radyo Veritas.
Sinabi ni Lee Suy, na una ngang nagkaroon ng Zika virus case sa Pilipinas noong 2012 at sumunod na ang turista.
Kaugnay nito, ayon sa DOH spokesman, ang microcephaly ang isa sa epekto ng Zika virus sa mga sanggol na nasa sinapupunan o yung hindi kumpleto ang development ng utak.
Napag-alamang sa nakalipas na 10 taon, nasa 330 ang mga sanggol na isinilang sa bansa ng may microcephaly.
Kumalat naman ang Zika virus sa Americas partikular sa Brazil na nasa mahigit 4,000 na ang kaso na naging dahilan upang ipanukala ang aborsyon doon subalit mariin itong tinututulan ng SImbahang Katolika sa Brazil dahil sa labag ito sa batas ng tao at sa batas ng Diyos maliban sa dapat na bigyang kalayaan ang sanggol na masilayan ang mundo.