161 total views
Hindi lubusang mapakikinabangan ng mga kawani sa gobyerno ang nilagdaan ng Pangulong Benigno Aquino III na Executive Order (EO) No. 221 o ang pagtataas sa sahod ng mga kawani ng pamahalaan.
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, Chairman ng CBCP–Episcopal Commission on the Laity, problemado sa naturang dagdag benepisyo ang naka–4th at 8th plan.
Kinukwestyon rin ng Obispo kung saan kukunin ang pera upang pondohan ang naturang benepisyo.
“Okay naman yan dahil makakatulong yan sa ating mga manggagawa sa pamahalaan lalong–lalo na yung mga nasa mababang antas na tataas ang kanilang suweldo. Pero ang problema rin natin ay sa mga 4th plan, 8th plan na mga tao ay hindi nila kaya na magpataas pa ng sweldo kahit na pinirmahan niya ito. Dahil dito wala naman silang income na matatanggap sana makita rin natin saan manggagaling ang pera,” bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo sa Radyo Veritas.
Nakikitang solusyon ni Bishop Pabillo upang ganap na maramdaman ng mga sibilyang government employees ang dagdag sahod kung babaguhin ang kanilang Internal Revenue Allotment o IRA.
“Isang pa lang paraan siguro ay yung IRA ay dapat na baguhin sa halip na 40 percent na napupunta sa LGU tapos 50 percent sa national government. Bakit naman hindi gawing 50? Para naman yung mga LGU lalong – lalo na ng mga mahihirap na mayroon silang pera na maibibigay nila sa mga empleyado ng pamahalaan.,” pananaw ni Bishop Pabillo.
Makikinabang sa nasabing EO ang nasa 1.3 mil¬yong empleyado ng gobyerno na umaasang maitataas ang kanilang sahod ngayong taon.
Nilinaw rin na ang EO ng Pangulo ay nakakasakop lamang sa salary hike ngayong taon at hindi ang inaasahang “full four year salary hike”.
May nakalaan ng P58 bilyong alokasyon para sa pay hike ng mga empleyado ng gobyerno na nakapaloob sa ipinasang 2016 General Appropriations Act.
Sa social doctrine of the Catholic Church, dapat pahalagahan ng estado o ng kumpanya ang kanilang mga manggagawa lalo na ang mga malilit mula sa pagbibigay ng ligtas na lugar sa paggawa hanggang sa pagkakaloob ng tamang benepisyo na naayon sa estado ng kanilang pamumuhay para maitaas ang kalidad nito at ang kanilang dignidad.