Veritas PH

The WORD. The TRUTH.

DAILY READINGS

Biyernes, Setyembre 13, 2024

 4,194 total views

Paggunita kay San Juan Crisostomo, obispo at pantas ng Simbahan

1 Corinto 9, 16-19. 22b-27
Salmo 83, 3. 4. 5-6. 12

Ang templo mo’y aking mahal,
D’yos na Makapangyarihan.

Lucas 6, 39-42

Memorial of St. John Chrysostom, Bishop and Doctor of the Church (White)

Mga Pagbasa mula sa
Biyernes ng Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

UNANG PAGBASA
1 Corinto 9, 16-19. 22b-27

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid, hindi ngayo’t nangangaral ako ng Mabuting Balita ay maaari na akong magmalaki. Iyan ang tungkuling iniatang sa akin. Sa aba ko, kung hindi ko ipangaral ang Mabuting Balita! Kung ginagawa ko ito sa sarili kong kalooban, ako’y may gantimpalang hihintayin; ngunit ginagawa ko ito bilang pagtupad sa tungkulin sapagkat ito’y ipinagkatiwala sa akin. Ano ngayon ang aking gantimpala? Ang maipangaral ko nang walang bayad ang Mabuting Balita at ang di ko pagkuha ng nauukol sa akin bilang tagapangaral.

Malaya ako at di alipin ninuman; ngunit napaalipin ako sa lahat upang makahikayat ako ng lalong marami. Ako’y nakibagay sa lahat ng tao upang ang ilan man lamang ay mailigtas ko, kahit sa anong paraan.

Ginagawa ko ang lahat ng ito alang-alang sa Mabuting Balita, upang makibahagi ako sa mga pagpapala nito. Alam ninyo na ang mga kasali sa takbuhan ay tumatakbong lahat, ngunit isa lamang ang nagkakamit ng gantimpala! Kaya pagbutihin ninyo ang pagtakbo upang kamtan ninyo ang gantimpala. Lahat ng manlalarong nagsasanay ay nagpipigil sa sarili sa lahat ng bagay upang magkamit ng isang putong na panandalian lamang, ngunit ang putong na hinahangad natin ay panghabang panahon. Kaya ako’y tumatakbo patungo sa isang tiyak na hangganan; at hindi ako sumusuntok sa hangin. Pinahihirapan ko ang aking katawan at sinusupil ang sarili, baka pagkatapos kong mangaral sa iba ay ako naman ang itakwil.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 83, 3. 4. 5-6. 12

Ang templo mo’y aking mahal,
D’yos na Makapangyarihan.

Nasasabik ang lingkod mong sa patyo mo ay pumasok.
Ang buo kong pagkatao’y umaawit na may lugod,
sa masayang pag-awit ko pinupuri’y buhay na Diyos.

Ang templo mo’y aking mahal,
D’yos na Makapangyarihan.

Panginoon, sa templo mo, mga maya’y nagpupugad,
maging ibong layang-laya sa templo mo’y nagagalak,
may inakay na kalinga sa tabi ng iyong altar;
O Poon, hari namin at Diyos na walang kupas.

Ang templo mo’y aking mahal,
D’yos na Makapangyarihan.

Mapalad na masasabi, silang doo’y tumatahan
at palaging umaawit, nagpupuring walang hanggan.
Ang sa iyo umaasa’y masasabing mapalad din,
silang mga naghahangad na sa Sio’y makarating.

Ang templo mo’y aking mahal,
D’yos na Makapangyarihan.

Ikaw ang haring dakila, ang tunay naming sanggalang,
kami’y pinagpapala mo sa pag-ibig mo at dangal.
Hindi siya nagkakait ng mabuting mga bagay
sa sinumang ang gawain ay matuwid at marangal.

Ang templo mo’y aking mahal,
D’yos na Makapangyarihan.

ALELUYA
Juan 17, 17b. a

Aleluya! Aleluya!
Amang D’yos ni Hesukristo,
ang salita mo’y totoo
kami ay pabanalin mo.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 6, 39-42

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, tinanong ni Hesus ang kanyang mga alagad nang patalinghaga: “Maaari bang maging tagaakay ng bulag ang isa ring bulag? Kapwa sila mahuhulog sa hukay kapag ginawa ang gayun. Walang alagad na higit sa kanyang guro; ngunit kapag lubusang naturuan, siya’y magiging katulad ng kanyang guro.

“Ang tinitingnan mo’y ang puwing ng iyong kapatid, ngunit hindi mo pinapansin ang tahilan sa iyong mata. Paano mo masasabi sa iyong kapatid, ‘Kapatid, bayaan mong alisin ko ang iyong puwing,’ gayong hindi mo nakikita ang tahilang nasa iyong mata? Mapagpaimbabaw! Alisin mo muna ang tahilan sa iyong mata, at makakikita kang mabuti; sa gayo’y maaalis mo ang puwing ng iyong kapatid.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon
Biyernes

Sa pamamagitan ng kanyang salita at gawa, tinuruan tayo ni Jesus ng mahabaging pagpapatawad ng Ama na naglalayong magligtas at hindi pumuksa. Masundan nawa natin ang kanyang halimbawa habang nananalangin tayo sa Ama.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Aming Ama, matulad nawa kami sa Iyo.

Ang Simbahan nawa’y piliin ang daan tungo sa pagpapatawad, katarungan, katotohanan, at pag-ibig, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang tapat at maliliit na mamamayan nawa’y hindi mailigaw ng mga di-tunay at mga ambisyosong pinuno, manalangin tayo sa Panginoon.

Atin nawang mapigilan at mahinto ang paghusga sa ating kapwa dahil sa kanilang kahinaan at pagkukulang, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit nawa’y makadama ng mapagpatawad na pag-ibig at pagpapagaling ng ating Panginoon, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga pumanaw nawa’y tumanggap ng habag sa harap ng luklukang hukuman ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Panginoon, buksan mo ang mga mata ng lahat ng tao na nawalay na sa landas ng buhay. Sa iyong biyaya, akayin mo kaming pabalik sa iyo na nagmamahal sa lahat. Hinihiling namin ito sa ngalan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Scroll to Top