27,660 total views
Feast of the Exaltation of the Cross
National Catechetical Day
Num 21:4-9 Phil 2:6-11 Jn 3:13-17
Maraming kababalaghan at mga dakilang bagay na ginawa ni Jesus na nakakagulat at nakakatawag ng pansin: lumakad siya sa tubig, nagpakain siya ng higit na limang libong tao mula sa limang tinapay at dalawang isda, nagbigay siya ng paningin sa taong bulag mula pa noon siya’y isilang, bumuhay siya ng mga patay, magaling siyang magturo na dumadagsa ang mga tao para lamang makinig sa kanya. Dakilang mga bagay ang mga ito pero hindi tayo niligtas ng mga kababalaghang ito. Niligtas tayo ng kanyang pagkamatay sa krus. Si Jesus na nakapako sa krus ang tanda ng kanyang kadakilaan at tagumpay. Ganoon na lang tayo kamahal ni Jesus na inalay niya ang kanyang sarili sa krus. Ganoon ang kanyang pagiging masunurin sa kanyang Ama na namatay siya sa krus. Kaya si Jesus na nasa krus ay ang tanda ng kanyang pagmamahal – pagmamahal sa Diyos Ama at pagmamahal sa atin. Tiniis ni Jesus ang paghihirap at kahihiyan sa krus ng may pagmamahal!
Para sa ating mga kristiyano, ang pinakatanda ng ating relihiyon ay ang krus. Makikita natin ito sa ating mga simbahan, sa ating mga bahay, sa ating mga libingan, pati na nga sa ating mga kwintas. Tayong mga katoliko tinatandaan natin ang ating sarili ng krus sa lahat ng mga gawain natin – bago tayo magdasal, bago tayo matulog, pagkagising natin, sa simula ng ating paglalakbay. Bakit? Kasi ito ay tanda na mahal tayo ni Jesus kaya hindi niya tayo pababayaan. Aalalayan niya tayo. Maniwala tayo sa kanyang pagmamahal sa atin. Hindi lang sapat na maniwala tayo na mayroong Diyos. Hindi lang sapat na maniwala tayo na nandiyan si Jesus. Maniwala tayo sa kanyang pagmamahal. Kung ganoon niya tayo kamahal na namatay siya sa krus para sa atin – ano pa kaya ang hindi niya gagawin upang tayo ay tulungan?
Pero noong una, ang krus ay hindi tanda ng pag-ibig. Ito ay isang instrumento na kinatatakutan at iniiwasan kaya ito ay tanda ng masakit at nakakahiyang parusa na nagdadala ng kamatayan. Ito ang parusa sa mga tulisan, sa mga dayuhan, sa mga alipin at mabababang uri na tao sa lipunan. Ang mga taong may dignidad noon tulad ng mga Romanong mamamayan o mga general o mga senador, kapag dapat sila parusahan ng kamatayan, sila ay pinapainom ng lason o pinupugutan ng ulo. Kaya si Pablo, na isang Roman citizen ay pinugutan ng ulo, pero si Pedro na isang dayuhang Hudyo ay pinako sa krus.
Si Jesus ay pinako sa krus kasi ang turing sa kanya ay tulisan, manghihimagsik at hindi siya Romano. Siya ay Hudyo. Pero noong si Jesus ay nasa krus na, nagkaroon ng bagong kahulugan ang krus. Ganoon tayo kamahal ni Jesus na tiniis niya ang kamatayan sa krus para sa atin. Dahil dito naging tanda na ito ng dakilang pag-ibig. Sana ganoon ang turing natin kapag nakikita natin ang Crucifix sa mga simbahan natin. Salamat Jesus sa dakilang pag-ibig mo sa amin. Kaya gawin natin nang maayos ang pag-aantanda ng krus sa ating katawan. Tinatandaan natin ang ating katawan ng pag-ibig ng Diyos. Kaya ang lahat ng blessings sa simbahan ay ginagawa sa tanda ng krus, sa tanda ng pag-ibig ng Diyos sa atin. Takot ang demonyo sa krus, kasi dito nagtagumpay si Jesus sa kasamaan.
Itong pagbabago ng kahulugan, mula sa parusa na naging kaligtasan, ay pinakita din sa atin sa ating unang pagbasa. Mapagrebelde ang mga Israelita. Sa paglalakbay nila sa disyerto palagi silang nagrereklamo sa Diyos at kay Moises. Nasusuya na sila sa paglalakad. Pati nga ang tinapay na galing sa langit, ang manna, ay kinasusuyaan na nila. Pinarusahan sila ng Diyos. Nagpadala ang Diyos ng mga makamandag na ahas at marami sa kanila ay tinuklaw at namatay. Dito natauhan na sila at humingi ng tulong kay Moises na ipagdasal sila sa Diyos na tanggalin na ang mga ahas. Nawala ba ang mga ahas? Hindi! Pero inutusan ng Diyos si Moises na gumawa ng ahas na tanso at ilagay ito sa itaas ng isang tikin at ang tikin ay itayo sa gitna ng kampamento. Ang sinumang matuklaw ng ahas na tuminingi sa tikin ay hindi mamamatay. Siya ay maliligtas. Ang ahas na parusa ay naging ahas na nagliligtas kapag tumingin doon na may paniniwala sa salita ng Diyos. Ang parusa ay naging paraan ng kaligtasan kung may pananalig. Ganyan din ang krus ni Jesus. Kapag tumingin tayo doon ng may pananalig sa pag-ibig ng Diyos, maliligtas tayo. Kaya nasabi ni Jesus kay Nicodemo: “Kung paano itinaas ni Moises ang ahas doon sa ilang, gayon din naman, kailangan itaas ang Anak ng Tao, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.”
Huwag po tayong matakot sa krus, o sa mga kahirapan sa buhay. Huwag natin sabihin na dahil sa mga problema o kahirapan sa buhay, kinalimutan na tayo ng Diyos o pinabayaan niya. Nandiyan siya sa gitna ng mga problemang ito. Tumingin tayo sa kanya ng may pag-ibig at dito tayo maliligtas. Ang krus, ang kahirapan na binabata ng may magpamamahal, ay magliligtas sa atin. Matagumpay ang krus. Sa pamamagitan nito tayo maliligtas at magkakaroon ng panibagong buhay.
Sa ating bayan marami din tayong mga problema na dinadaanan. Nandiyan ang masamang panahon, ang sunod sunod na ulan. Pinalala pa ang epekto nito ng mga corruption na nababalitaan natin ngayon sa paggawa kuno ng flood control projects. Pinahihirapan din tayo ng ating mga politiko at ang ilang mga contractors. Nandiyan iyong pagnanakaw sa bayan sa pamamagitan ng mga confidential funds. Hindi pa naharap ni Sara Duterte ang mga kaso niya sa kanyang confidential fund. Binabaha na nga tayo, nandiyan pa ang pagbabanta ng pagmimina. Nandiyan pa rin ang paninira ng kalikasan. Ang mga ito ang nagpapabigat sa buhay natin. Sila ang mga krus na dinadala natin. Huwag natin balewalain ang mga ito. Harapin natin at itanong sa Diyos, paano ba namin madadala ang mga krus na ito? “Tulungan mo kaming maniwala, O Panginoon, na patuloy pa ang pagmamahal mo sa amin kaya haharapin namin ang mga ito ng may paninindigan. Hindi kami magpapabaya. Patuloy kaming mananawagan upang ang katarungan ay matugunan.”






