Veritas PH

The WORD. The TRUTH.

HUWEBES, ENERO 12, 2023

SHARE THE TRUTH

 1,907 total views

Huwebes ng Unang Linggo
sa Karaniwang Panahon (I)

Hebreo 3, 7-14
Salmo 94, 6-7. 8-9. 10-11

Panginoo’y inyong dinggin,
huwag n’yo s’yang salungatin.

Marcos 1, 40-45

Thursday of the First Week of Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
Hebreo 3, 7-14

Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo

Mga kapatid, gaya ng sabi ng Espiritu Santo,
“Kapag narinig ninyo ngayon ang tinig ng Diyos,
Huwag maging matigas ang inyong ulo, tulad noong maghimagsik kayo at subukin siya sa ilang.
‘Doo’y tinukso ako at sinubok ng inyong mga magulang,’ sabi ng Diyos,
‘Gayong nakita nila ang mga ginawa ko sa loob ng apatnapung taon.
Kaya’t kinapootan ko ang lahing iyon,
At sinabi ko, Lagi silang nagpapakaligaw,
Hindi na nila natutuhan ang aking mga daan.
Kaya’t sa galit ko’y aking isinumpang
Hinding-hindi sila makapapasok at makapamamahinga sa piling ko.’”

Mga kapatid, ingatan ninyong huwag sumama ang sinuman sa inyo at mawalan ng pananampalataya hanggang sa talikdan ang Diyos na buhay. Sa halip, magpaalalahanan kayo araw-araw, habang may panahon pa, upang ang sinuman sa inyo’y di madaya at maging alipin ng kasalanan. Sapagkat tayong lahat ay kasama ni Kristo, kung mananatili tayong matatag hanggang wakas sa ating pananalig sa kanya.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 94, 6-7. 8-9. 10-11

Panginoo’y inyong dinggin,
huwag n’yo s’yang salungatin.

Tayo ay lumapit,
sa kanya’y sumamba at magbigay-galang,
lumuhod sa harap
nitong Panginoong sa ati’y lumalang.
Siya ang ating Diyos,
tayo ay kalinga niyang mga hirang,
mga tupa tayong inaalagaan.

Panginoo’y inyong dinggin,
huwag n’yo s’yang salungatin.

Ang kanyang salita ay ating pakinggan:
“Iyang inyong puso’y
huwag patigasin, tulad ng ginawa
ng inyong magulang
nang nasa Meriba, sa ilang ng Masa.
Ako ay tinukso’t
doon ay sinubok ng inyong magulang,
bagamat nakita
aking aking ginawang sila’ng nakinabang.”

Panginoo’y inyong dinggin,
huwag n’yo s’yang salungatin.

Apatnapung taon,
sa inyong ninuno ako ay nagdamdam,
ang aking sinabi,
“Sila ay suwail, walang pakundangan
at ang mga utos ko ay sinusuway!”
Dahil sa galit ko,
ako ay sumumpang di sila daratal,
sa lupang pangakong aking inilaan.

Panginoo’y inyong dinggin,
huwag n’yo s’yang salungatin.

ALELUYA
Mateo 4, 23

Aleluya! Aleluya!
Ipinangaral ni Hesus
ang paghahari ng Diyos.
Sakit ay kanyang ginamot.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Marcos 1, 40-45

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, may isang ketonging lumapit kay Hesus, nanikluhod at nagmakaawa: “Kung ibig po ninyo’y mapagagaling ninyo ako.” Nahabag si Hesus at hinipo siya, sabay ang wika, “Ibig ko. Gumaling ka!” Noon di’y nawala ang ketong at gumaling ang tao. Pinaalis siya agad ni Hesus matapos ang ganitong mahigpit na bilin: “Huwag mong sasabihin ito kaninuman. Sa halip ay pasuri ka sa saserdote. Pagkatapos, maghandog ka ayon sa iniutos ni Moises, upang patunayan sa mga tao na ikaw ay magaling na.” Ngunit umalis siya at bagkus ipinamalita ang nangyari, anupat hindi na hayagang makapasok ng bayan si Hesus. Naroon na lamang siya sa labas, sa mga ilang na pook, at doon pinagsasadya ng mga tao buhat sa iba’t ibang dako.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Unang Linggo sa Karaniwang Panahon
Huwebes

Naniniwala sa habag ng Panginoon, lumapit tayo nang may pananalig sa ating Amang nasa Langit na ang ating mga panalangin ay pakikinggan:

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Amang mahabagin, pakinggan Mo kami.

Ang Simbahan nawa’y hindi magkulang sa kanyang tungkulin na tanggapin ang mga napapabayaan at mga itinuturing na yagit ng lipunan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang ating gobyerno nawa’y makapagbigay ng mahusay na programang pangkalusugan at paigtingin pa ang kanilang pagsusulong ng malusog na kapaligiran, manalangin tayo sa Panginoon.

Bilang isang komunidad tayo nawa’y tumulong nang may pag-ibig at malasakit sa mga binabalewala ng lipunan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga mahihirap at mga maysakit nawa’y makatagpo ng atensyon at tulong-medikal mula sa mga may mabubuting kalooban, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao kay Kristo nawa’y mabuhay sa tunay na kalayaan at kaligayahan ng Langit, manalangin tayo sa Panginoon.

Maawaing Ama, palalimin mo ang aming diwa ng habag at pang-unawa sa mga nagdurusa. Itulad nawa namin ang aming buhay kay Jesus na humanap ng kalayaan, kagalingan, at kapayapaan para sa bawat tao. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Veritas Editorial

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

PORK BARREL

 94,975 total views

 94,975 total views Kapanalig, bakit katakam-takam ang Pork barrel funds? Bakit nababaliw ang mga mambabatas sa pork barrel? Noong 2013, idineklara ng Korte Suprema na unconstitutional

Read More »

THE CONDUCTOR

 107,515 total views

 107,515 total views Kapanalig, sinasabi ng Cambridge dictionary na ang “CONDUCTOR” ay “Person who directs the performance of musicians or a piece of music especially by

Read More »

Sakramento ng kasal

 129,897 total views

 129,897 total views Mga Kapanalig, paunti raw nang paunti ang mga nagpapakasal sa ating bansa. Iniulat ito noong isang linggo ng Philippine Statistics Authority (o PSA).

Read More »

Aktibismo, red tagging, at ang kalikasan

 149,011 total views

 149,011 total views Mga Kapanalig, hindi lamang ang mga aktibista ang napapahamak sa red-tagging o ang pag-uugnay sa kanila sa mga itinuturing na kalaban ng estado.

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Martes, Setyembre 30, 2025

 46,562 total views

 46,562 total views Paggunita kay San Jeronimo, pari at pantas ng Simbahan Zacarias 8, 20-23 Salmo 86, 1-3. 4-5. 6-7 Ang ating Panginoong D’yos ay kapiling

Read More »

Lunes, Setyembre 29, 2025

 46,793 total views

 46,793 total views Kapistahan nina Arkanghel San Miguel, San Gabriel at San Rafael Daniel 7, 9-10. 13-14 o kaya Pahayag 12, 7-12a Salmo 137, 1-2a, 2bk-3, 4-5

Read More »

Linggo, Setyembre 28, 2025

 47,304 total views

 47,304 total views Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) Amos 6, 1a. 4-7 Salmo 145, 7. 8-9a. 9bk-10 Kalul’wa ko, ‘yong purihin ang Panginoong butihin.

Read More »

Sabado, Setyembre 27, 2025

 34,355 total views

 34,355 total views Paggunita kay San Vicente de Paul, pari Zacarias 2, 5-9. 14-15a Jeremias 31, 10. 11-12ab. 13 Pumapatnubay na Diyos ay Pastol na kumukupkop.

Read More »

Biyernes, Setyembre 26, 2025

 34,464 total views

 34,464 total views Biyernes ng Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) o kaya Paggunita kay San Cosme at San Damian, mga martir Ageo 1, 15b – 2,

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top