1,106 total views
Huwebes ng Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
o kaya Paggunita kina San Juan de Brebeuf
at San Isaac Jogues, mga pari at mga kasama, mga martir
o kaya Paggunita kay San Pablo de la Cruz, pari
Roma 3, 21-30
Salmo 129, 1-2. 3-4b. 4k-6
Sa piling ng Poong Diyos
may pag-ibig at pagtubos.
Lucas 11, 47-54
Thursday of the Twenty-eighth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. John de Brebeuf and Isaac Jogues, Priests, and Companions, Martyrs (Red)
or Optional Memorial of St. Paul of the Cross, Priest (White)
UNANG PAGBASA
Roma 3, 21-30
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma
Mga kapatid, ngayo’y nahayag na ang pagpapawalang-sala ng Diyos sa mga tao. Ito’y hindi sa pamamagitan ng batas, bagamat ito’y pinatotohanan ng Kautusan at ng mga propeta. Pinawawalang-sala ng Diyos ang lahat ng nananalig kay Hesukristo sa pamamagitan ng kanilang pananalig sa kanya, maging Judio at maging Hentil. Sapagkat ang lahat ay nagkasala at walang sinumang karapat-dapat sa paningin ng Diyos. Gayunman, dahil sa kanyang kagandahang-loob ay pinawalang-sala sila sa pamamagitan ni Kristo Hesus, na nagpalaya sa kanila. Siya ang itinakda ng Diyos na maging handog upang sa pagbubo ng kanyang dugo ay maipatawad ang kasalanan ng tao sa pamamagitan ng pananalig sa kanya. Ginawa ito ng Diyos upang ipakilalang siya’y matuwid, sapagkat noong una, nagtimpi siya at ipinagpaumanhin ang mga kasalanang nagawa ng mga tao. At sa ngayon, pinawalang-sala niya ang mga nananalig kay Hesus upang patunayang siya’y matuwid.
Ano ngayon ang ating ipagmamalaki? Wala! Bakit? Dahil lamang ba sa hindi natin pagkatupad sa Kautusan? Hindi, kundi dahil sa ating pananalig kay Kristo. Sapagkat maliwanag na ang tao’y pinawalang-sala dahil sa pananalig kay Kristo, at hindi sa pagtupad ng Kautusan. Ang Diyos ba’y Diyos lamang ng mga Judio? Hindi ba Diyos din siya ng mga Hentil? Oo, sapagkat siya’y Diyos ng lahat, yamang iisa ang Diyos.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 129, 1-2. 3-4b. 4k-6
Sa piling ng Poong Diyos
may pag-ibig at pagtubos.
Sa gitna ng paghihirap, tinawag ko’y Panginoon,
Panginoon, ako’y dinggin pagka ako’y tumataghoy,
dinggin mo ang pagtawag ko’t paghingi ng iyong tulong.
Sa piling ng Poong Diyos
may pag-ibig at pagtubos.
Kung ikaw ay may talaan nitong aming kasalanan,
lahat kami ay tatanggap ng hatol mong nakalaan.
Ngunit iyong pinatawad, kasalanan ay nilimot,
pinatawad mo nga kami upang sa’ yo ay matakot.
Sa piling ng Poong Diyos
may pag-ibig at pagtubos.
Sabik akong naghihintay sa tulong mo, Panginoon,
pagkat ako’y may tiwala sa pangako mong pagtulong.
Yaring aking pananabik, Panginoon ay higit pa,
sa serenong naghihintay ng pagsapit ng umaga.
Sa piling ng Poong Diyos
may pag-ibig at pagtubos.
ALELUYA
Juan 14, 6
Aleluya! Aleluya!
Ikaw, O Kristo, ang Daan,
ang Katotohana’t Buhay
patungo sa Amang mahal.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 11, 47-54
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus, “Kawawa kayo! Ipinagtatayo ninyo ng magagarang libingan ang mga propetang pinagpapatay ng inyong mga magulang. Sa ganitong paraan, kayo na rin ang nagpapatunay na sang-ayon kayo sa mga ginawa ng inyong mga magulang; sapagkat sila ang pumatay sa mga propeta at kayo naman ang nagtatayo ng libingang puntod ng mga yaon. Dahil dito’y sinabi rin ng Karunungan ng Diyos, ‘Magsusugo ako sa kanila ng mga propeta at ng mga apostol; ang iba’y papatayin nila at uusigin ang iba.’ Sa gayo’y lalagpak sa lahing ito ang parusa dahil sa pagpatay sa mga propeta buhat nang itatag ang sanlibutan, magmula kay Abel hanggang kay Zacarias na pinatay sa pagitan ng dambanang sunugan ng mga handog at ng gusali ng Templo. Sinasabi ko sa inyo, lalagpak sa lahing ito ang parusa dahil sa kanilang ginawa.
“Kawawa kayo, mga dalubhasa sa Kautusan! Sapagkat inalis ninyo ang susi ng karunungan. Ayaw na ninyong magsipasok, hinahadlangan pa ninyo ang mga nagnanais pumasok.”
At umalis si Hesus sa bahay na iyon. Mula noon, tinuligsa na siya ng mga eskriba at ng mga Pariseo at pinagtatatanong tungkol sa maraming bagay, upang masilo siya sa kanyang pananalita.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon
Huwebes
Hilingin natin sa Panginoon na maging makatotohanan tayo sa ating mga gawain.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, gawin mong totoo ang aming puso sa iyo.
Sa ating buhay bilang bahagi ng Bayan ng Diyos, nawa’y magampanan natin ang mga hamon ng Ebanghelyo sa ating palagiang pagsaksi, manalangin tayo sa Panginoon.
Atin nawang maiwasang gawin ang mga bagay na nakikiayon o pagpapakitanto lamang, manalangin tayo sa Panginoon.
Yaong mga pinanghihinaan ng loob dahil sa ating hindi naging magandang ugali at pakikitungo nawa’y manumbalik sa pagsisimba sa pamamagitan ng ating pagbabalik-loob at pagbabagumbuhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y makita ang mapagpagaling na kamay ng Diyos sa dinaranas nilang mga pagsubok at paghihirap, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao na sa buhay na ito nawa’y tanggapin sa walang hanggang kaluwalhatian, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama, tulungan mo kaming sumamba sa iyo nang may totoong puso upang makalapit kami sa iyo sa espiritu at katotohanan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.